UP, Adamson unahang bumangon | Pilipino Star Ngayon


Elech Dawa — Pilipino Star Ngayon

September 24, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Wala sa kukote ng defending champion University of the Philippines na magluksa mula sa pagkakalugmok sa unang laro nila sa UAAP Season 88 men’s basketball tournament.

Ito’y dahil muli silang ma­papalaban ngayong alas-4:30 ng hapon kontra Adamson University sa UST Quadricentennial Pavilion, Manila.

Natambakan ang Figh­ting Maroons ng University of Sto. Tomas, 67-87 noong Linggo kaya naman nag- focus agad sila sa susunod nilang laban.

“It’s really tough yung mga ganito, but our next game is Wednesday, so there’s no time for us to feel sorry for ourselves,” ani UP head coach Goldwin Monteverde. “Move forward for the next game against Adamson,”

Si Mark Belmonte ang namuno sa opensa para sa Fighting Maroons laban sa Growling Tigers sa nirehistrong 12 points kaya asahang siya pa rin ang kakapitan ni Monteverde.

Makakatuwang ni Belmonte sa opensa sina Ha­rold Alarcon at Jacob Bayla para makabangon agad mula sa pagkakadapa.

Subalit paniguradong mapapalaban ang UP bago makuha ang inaasam na panalo dahil pareho sila ng nasa isip ng Soaring Falcons.

Natisod din ang Adamson sa una nilang laro kontra last year’s runner-up De La Salle University, 58-60.

Samantala, magbabanatan naman sa unang laro ang Ateneo de Manila University at University of the East sa alas-2 ng hapon.