October 31, 2025 | 12:00am
GENERAL SANTOS CITY, Philippines — Umusad sa No. 1 spot ang Manila City sa overall medal standings ng 2025 Batang Pinoy kahapon dito sa Antonio Acharon Sports Complex.
Humakot ang mga Big City athletes ng 32 gold, 28 silver at 24 bronze medals kasunod ang nagdedepensang Pasig City (29-17-24), four-time champions Baguio City (29-17-22), Quezon City (20-19-23) at Zamboanga City (16-12-4) bago ang opisyal na pagtatapos ngayon ng taunang sports meet para sa mga batang may edad 17-anyos pababa.
Bumandera sa arangkada ng Manila City si top swimmer Patricia Mae Santor na lumangoy ng anim na gintong medalya.
Nanguna si Santor sa girls’ 16-17 years old 200m Individual Medley (2:29.97), 100m butterfly (1:05.00), 200m butterfly (2:23.37) at 4x50m medley relay (2:08.86).
Nagposte rin siya ng mga bagong record sa 50m butterfly (28.67), 4x50m freestyle medley (1:55.42) at sa 4x50m medley relay (2:08.86) kasama sina Kristine Jane Uy, Naomi Sy at Eliana Isabel Rodriguez.
“It’s my last year, but I believe that I did my best, and that’s all that matters to me,” sabi ng University of Santo Tomas student.
Kumuha rin ang Manila City ng mga gold medals sa athletics at gymnastics.
Kagaya ni Santor, anim na ginto rin ang inangkin ni Davao City bet Abigail Lim sa archery event.
Sumisid naman ng limang golds sa swimming pool si FJ Catherine Cruz ng Mabalacat City sa girls’ 16-17 years old class.
Panalo rin ng limang ginto sina Sophia Rose Garra ng Malabon City (girls’ 12-13) at Nuche Veronica Ibit ng Aklan.
Sa boys’ 3×3 basketball tournament, pinadapa ng Quezon City ang Taguig City, 21-16, para ibulsa ang gold medal.