Beermen kakasa sa Tropang 5G sa finals


MANILA, Philippines — Ang San Miguel ang makakasagupa ng TNT Tropang 5G sa PBA Finals.

Ito ay matapos lasi­ngin ng Beermen ang utol na Ginebra Gin Kings, 100-93, sa ‘winner-take-all’ Game Seven ng kanilang Season 49 Philippine Cup semifinals series kahapon sa harap ng 12,279 fans sa Smart Araneta Coliseum.

Isinara ng San Miguel ang kanilang duwelo ng Ginebra sa 4-3 para labanan ang TNT sa best-of-seven championship series na magsisimula sa Linggo.

“It’s very clear they never gave up, especially in the last quarter when we were down by 11 points,” ani coach Leo Austria.

Sumampa ang SMC franchise sa kanilang pang-46 finals stint at hangad ang ika-30 titulo simula noong 1975.

Ang matinding zone defense sa Gin Kings sa fourth quarter at inspiradong laro ni veteran point guard Chris Ross ang naging susi sa panalo ng Beermen na bumangon mula sa 62-73 agwat sa 1;36 minuto ng third period.

Matapos kunin ng Ginebra ang 73-66 abante sa third quarter ay isang 17-4 atake ang inilunsad nina Ross, Don Trollano at eight-time-PBA MVP June Mar Fajardo para agawin ng SMB ang unahan, 81-77, sa 8:31 minuto ng final canto.

Tuluyan nang nabaon ang Gin Kings sa 93-100 sa huling 34.8 segundo ng laro mula sa dalawang free throws ni Ross para selyuhan ang panalo ng SMB.

Tumapos si Ross na may 19 points, 7 assists at 3 rebounds.

Nakataya sa SMB ang hangaring maiganti ang runner-up finsih nito kontra sa Meralco noong nakaraang All-Filipino kasabay ng mas malaking misyon na mapigilan ang Grand Slam ng Tropang 5G.