Belen mas piniling maglaro sa PVL


MANILA, Philippines — Matapos ang ilang araw na pag-iisip ay nagdesisyon na si Bella Belen na lumahok sa 2025 PVL Rookie Draft na nakatakda sa H­unyo 8 sa Novotel, Cubao, Quezon City.

Mula sa Laoag, Ilocos Norte kung saan siya bumisita sa 65th Palarong Pambansa ay nagtungo si Belen sa 2025 PVL Rookie Draft Combine sa Paco Arena sa Manila noong Sabado.

Inisip ng 22-anyos na National University Lady Bulldogs superstar na maglaro sa ibang bansa kagaya nina Alas Pilipinas team captain Jia Morado at Jaja Santiago.

Ngunit sa huli ay mas matimbang ang paglalaro ni Belen sa harap ng kanyang mga kababayan.

“Opo. Kasi parang si­yempre, at the end of the day, dito naman tayo sa Pinas. Pilipinas pa rin ang mamahalin,” ani ng 5-foot-8 na outside hitter na kasama rin sa Alas Pilipinas pool.

Sumama ang three-time UAAP MVP sa unang tatlong oras ng scrimmages sa combine sa Paco Arena bago sumalang sa afternoon session ng Alas Pilipinas sa Philsports Arena sa Pasig City.

Si Belen ay inaasahang magiging No. 1 overall pick ng 2025 PVL Rookie Draft na sasalihan din ng 59 pang aspirante kagaya nina Alas Pilipinas standout at Central Washington University alumna Tia Andaya, Alohi Robins-Hardy, Mycah Go at Riza Nogales.

“Hindi ko naman po iniisip na ako ‘yung magi­ging number one pick since marami ring talented pla­yers na nagpa-draft,” wika  ni Belen. “Hinihintay ko rin po kung sinuman po ‘yung team na pipili sa akin.”

Ang Capital1 ang nanalo sa draft lottery at siyang pipili sa No. 1 overall pick kasunod ang Galeries To­wer, Farm Fresh at N­xled.