MANILA, Philippines — Hindi pa tapos si reigning World Pool 9-Ball champion Carlo Biado sa pagbibigay ng karangalan sa bansa.
Kaya naman sesentro na ang atensiyon nito sa mga susunod na international tournaments na lalahukan nito kabilang na ang Florida Open at ang prestihiyosong US Open.
Sariwa pa si Biado sa matamis na pagkopo ng korona sa World Pool 9-Ball Championship na ginanap sa Jeddah, Saudi Arabia.
Hinubaran ng korona ni Biado si Russian-American Fedor Gorst sa bendisyon ng pukpukang 15-13 panalo sa finals.
Wala munang panahon si Biado sa magarbong selebrasyon,
Nais nitong ibahagi ang kanyang panalo kasama ang kanyang pamilya dahil may mga torneong pinaghahandaan ito.
“No time for celebration. My celebration is with family is my biggest trophy in life,” pahayag ni Biado sa kanyang post sa social media.
Tututukan naman ni Biado ang Florida Open na idaraos sa Agosto 5 hanggang 10 sa Caribe Royale Resort sa Orlando, Florida.
Magtatampok ang torneo ng $200,000 kabuuang premyo kabilang ang $40,000 para sa magkakampeon.
Sasabak din si Biado sa US Open na idaraos naman sa Agosto 18 hanggang 23 sa Harrah’s Resort sa Atlantic City sa New Jersey kung saan paglalabanan ang $500,000 total prize fund kasama ang $100,000 top purse.
