October 27, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Target ni Alex Eala na magarbong tapusin ang season na ito sa pagsabak sa kanyang huling torneo sa taong ito — ang Hong Kong Open na gaganapin sa Victoria Park Tennis Stadium.
Nasa Hong Kong na si Eala matapos ang kampanya nito sa Guangzhou Open.
Mapapalaban agad si Eala na nakatakdang harapin si Katie Boulter ng Great Britain sa opening round ng singles event.
Lalarga ang bakbakan nina Eala at Boulter sa alas-10 ng umaga.
Sunud-sunod ang talo ni Eala sa singles event kung saan tatlong beses itong nasibak sa first round.
Una na sa qualifying round ng Wuhan Open na sinundan ng maaga nitong pamamaalam sa kontensiyon sa Japan Open at ang huli ay sa Guangzhou Open.
Bahagyang nakabawi si Eala sa doubles event ng Guangzhou Open kung saan nakaabot ito sa semis kasama si Nadiia Kichenok ng Ukraine.
Subalit bigo sina Eala at Kichenok na makapasok sa finals nang yumuko ang dalawa kina Katarzyna Piter ng Poland at Janice Tjen ng Indonesia sa semis, 7-6 (4), 3-6, 5-10.
