Bimby, nanliligaw kay Cassandra Ynares!


Tuwang-tuwa ang mga taga-Antipolo sa pagdating ni Bimby Aquino sa caucus na ginanap sa Sitio Mansetta, Brgy. Cupang, Antipolo nung Sabado ng gabi.

Kasama ni Bimby ang panganay na anak nina Mayor Junjun at Andrea Ynares na si Cassandra Ynares. Lalong gumanda ngayon si Cassandra na 17 years old na.

Marami na ang nagtanong sa akin kung pinopormahan ba si Cassandra ng 18-year-old na binata ni Kris Aquino.

Bago pa ‘yang caucus ay dinaluhan din ni Bimby ang event na in-organize ni Cassandra para sa mga kabataan sa Antipolo noong April 5 kung saan inilunsad doon ang foundation ng mga kabataan na tinawag nilang Cassma. Karamihan dito ay mga high school student na ang pakay ay i-promote ang emotional and mental well-being.

Dinaluhan ito ni Bimby, at nandun din ang kilalang singer-songwriter na si Dionela, at ang Kapuso actress na si Arra San Agustin.

Natawa na lang si Andeng nang tinanong ko kung nanliligaw ba si Bimby sa kanyang anak. Malapit na magkaibigan naman daw talaga ang dalawa.

Pero hanggang close friends lang ba talaga?

Noong Sabado nga ay dumalo na naman si Bimby sa caucus doon sa Antipolo at tuwang-tuwa ang lahat nang mag-duet sila ni Cassandra.

May spark at chemistry silang dalawa, kaya ang daming kinilig.

Naalala namin ang interview ni Ogie Diaz sa mag-inang Kris at Bimby nung sinelebreyt nila ang 18th birthday ng binata. Tinanong ni Ogie si Kris kung okay na bang mag-girlfriend ang kanyang bunso.

“Meron na akong gusto. Dalawa na ‘yung gusto ko… or maybe three. Yeah! I had three girls,” bulalas ni Kris.

Sa tatlong ‘yun ay may favorite si Kris, pero hindi binanggit kung sino. “Ah hindi. May isang favorite ako, at bagay sila,” sabi uli ni Kris.

Hindi naman natin alam kung sino ito, pero si Cassandra kaya ito?

Pinu-push daw ni Kris si Bimby na ipursige ang panliligaw. Sinasabihan daw na padalhan ng flowers ‘yung girl. Pero sabi ni Bimby, iba na ang style ng panliligaw ngayon. Iba na ang panahon, hindi kagaya ng kay Kris.

Ani Bimby, “Sinasabi ko sa kanya, ‘Mom iba na ‘yung style ngayon. It’s not like that na.

“It’s a new generation, Mama.”

Sa totoo lang, marami sa mga nanay na gusto si Bimby ang maging boyfriend ng kanilang anak. Nakikita kasi ito kung gaano kabait na bata, at mapag-alaga sa kanyang ina.

Proud naman si Kris kung paano niya napalaki ang kanyang dalawang anak. Ipinagmamalaki niya kung gaano kabuting tao si Bimby.

Nabanggit din ni Kris sa interbyung ‘yun ni Ogie na nasa isip din ni Bimby ang maging pulitiko.

Apat na bayan daw ang pinagpipilian nilang maging mayor ang kanyang anak. Nakikita raw niya kasi kung gaano kabuting mamamayan si Bimby at malapit talaga sa mga tao.

Kunsabagay, sa caucus na dinaluhan ni Bimby sa Antipolo, nakikita kung paano siya makisama sa mga tao. Mukhang bagay talaga si Bimby maging pulitiko. Kaya sa totoo lang, swak sila ni Cassandra na na-expose na sa pulitika at pagsilbi sa mga tao.

Abangan natin itong bagong loveteam nina Bimby at Cassandra o ang BimbCass o CassBy?

Mga obra ni Carlo J., naibilin sa mga anak

Magsisimula na ngayong gabi bago mag-Batang Quiapo ang bagong serye ng TV5 na Totoy Bato na pinagbidahan ni Kiko Estrada.

Sa nakaraang media conference ng Totoy Bato sa TV5, nabanggit sa amin ng anak ni direk Carlo J. Caparas na si Peach, na itong Totoy Bato ang isa sa pinakapaborito niyang hero o character na likha ng kanyang ama.

Nagpapasalamat siya na bago pumanaw si direk Carlo J ay naihabilin na raw sa kanya itong mga obra ng kanyang ama.

Nailatag na nila ito sa Studio Viva at Viva Communications na kung saan dito sila nakipag-collaborate.

“Napakalawak po kasi ng Caparas verse, and they’re so many heroes, ang dami po nila…” pakli ni Peach.

Kaya nagpapasalamat ang magkapatid na Peach at CJ Caparas dahil sa magagandang plano ng Viva sa mga obra ng kanilang ama.

Mag-iisang taon pa lang pumanaw si direk Carlo Caparas, at nasa gitna pa sila ng pagdadalamhati.

Kaya laging nasa isip lang daw nila kung ano ang gustong mangyari ng kanilang ama sa mga iniwan nitong obra na nilikha niya.

“Nung nawala siya, even nung towards the end nung nakapag-usap pa kami is more of paalala niya sa akin kung saan ako dapat mag-ingat, ano ang mga iingatan ko. Mga reminders po ganun.

“Normal naman po siguro na may mga tao siyempre, nagwa-wonder na ganyan. Gusto lang din naman… siguro, mahirap kasi mag-close ng chapter or mag-grieve nang maayos kung hindi mo pa alam kung ano ‘yung mga bukas e,” sabi pa ni Peach Caparas.