BULTU-BULTONG shabu ang ipinapasok sa bansa. Bukod sa mga nasasagip na shabu ng mga mangingisda sa karagatan, patuloy din ang pagdating ng shabu mula sa ibang bansa na nakalagay sa balikbayan boxes. Wala nang takot ang mga courier ng shabu ngayon.
Mabuti na lang at nahaharang ang napakaraming shabu kung hindi, siguradong lalaganap sa kalye ang droga at maraming buhay ang masisira. Ang shabu ay idinaraan sa Manila International Container Port sa Maynila.
Kamakailan, pinresenta ng Bureau of Customs ang P749 milyon na halaga ng shabu na nakatago sa balikbayan boxes na nagmula sa California. Tiyak na may mga kasapakat na Customs brokers ang sindikato ng droga. Mukhang nag-iba ng estilo ang sindikato sa droga dahil buking na ang kanilang pagpapasok sa pamamagitan nang pagpapalutang ng droga sa karagatan.
Ngayon ay sa pamamagitan naman ng door to door delivery na nakapaloob sa balikbayan boxes naman pinadadaan ang droga. Talagang hindi tumitigil ang sindikato para makapagpasok ng shabu sa bansa.
Habang namamayagpag ang drug traffickers, lumalaganap naman ang krimen sa bansa. Hindi naman nagkukulang ang PDEA, PNP at NBI sa paggalugad sa mga sindikato ng droga.
Kung ako ang tatanungin, dapat ibalik ang parusang bitay para sa drug traffickers. Dapat mabigat ang parusa. Kung may mabibitay na drug traffickers, maaring matakot sila.