Blue Eagles sinuwag ng Lady Stags


Elech Dawa — Pilipino Star Ngayon

October 11, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Bago magbakasyon ay ginulat muna ng San Se­bastian College-Recoletos ang playoff-bound Ateneo de Manila University, 19-25, 20-25, 25-17, 25-20, 15-8, sa 2025 Shakey’s Super League (SSL) Preseason Uni­ty Cup kahapon sa Ri­­zal Memorial Coliseum.

Tumapos ang Lady Stags na may 1-2 record sa Pool D kapareho ng Blue Eagles na sasampa sa second round dahil sa mas mataas nilang match points, 4-2.

Kaya sibak na ang San Sbastian sa event na su­po­r­tado ng Asics, Mikasa, Smart Sports, Summit, Team Rebel Sports, Belo Deo, Eurotel-Apo View Ho­­tel, Batangas Country Club, Executive Optical, Baic Auto Philippines, SM Tickets at PusoP.com bilang technical partners.

Tumikada si graduating winger Kath Santos ng 21 points para sa SSC-R na nakakuha ng momentum nang sikwatin ang panalo sa third at fourth sets.

“Hindi namin ini-expect itong panalo sa game na ito. Talagang in-effortan namin ‘yung game namin ngayon,” sabi ni Santos.

Nagtala si Ana Hermo­su­ra ng 15 markers at may 13 points si Faye Nisperos para sa Blue Eagles na ha­harapin ang Adamson University sa second round sa Pool E bukas.

Kasama ng Ateneo sa second round ang College of St. Benilde (3-0).