MANILA, Philippines — Bumangon ang Meralco mula sa naunang kabiguan matapos talunin ang B.League champions Utsunomiya Brex, 97-86, sa Group B ng 2025 Basketball Champions League (BCL) Asia noong Linggo ng gabi sa Sheikh Saeed Bin Maktoum Sports Hall sa Dubai.
Umiskor sina point guard Chris Banchero, imports Glynn Watson at Jordon Varnado ng tig-17 points para sa tropa ni coach Luigi Trillo habang may 16 markers si Cliff Hodge.
Humakot naman si reinforcement John Egbunu ng 12 points at 13 rebounds.
Ang panalo ng Bolts, nagmula sa 87-101 pagyukod sa Shabab Al Ahli, noong Sabado ang nagpasok sa kanila sa knockout quarterfinals ng torneo.
Magkakaroon ng one-day break ang Meralco habang nakatakdang labanan ng Utsunumiya, nakakuha ng bye sa Day 1, ang Shabab Al Ahli (1-0) kagabi.