Bonus target ng UP sa Ateneo


Elech Dawa — Pilipino Star Ngayon

November 19, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Puntirya ng defending champion University of the Philippines na sikwatin ang pangalawang twice-to- beat advantage pagharap nila sa Ateneo de Manila University sa UAAP Season 88 men’s basketball tournament na lalaruin sa Mall of Asia Arena sa Pasay City ngayong araw.

Tangan ang 9-3 karta, solo ang Fighting Maroons sa pangalawang puwesto sa team standings, nasa tuktok ang National University na nakasiguro na ng incentive sa final four matapos irehistro ang 11- 2 baraha.

Sakaling mahablot ng UP ang panalo sa Ateneo ay hindi na makakahabol sa bonus ang No. 3 na  University of Sto. Tomas, (7-5) at nasa pang-apat na De La Salle University, (6-5).

Magsisimula ang banatan sa pagitan ng Fighting Maroons at Blue Eagles sa alas-4:30 ng hapon, pagkatapos ng bakbakan ng DLSU at Adamson University sa ala-1:30 ng hapon.

Isa sa maiinit na teams ang Fighting Maroons dahil nilista nila ang five-game winning streak ng kalusin ang Soaring Falcons, 70-65 noong Linggo sa Smart Araneta Coliseum.

Sina Nigerian forward Francis Nnoruka at Gerry Abadiano ang kinapitan ng UP sa opensa nang kaldagin ang Adamson kaya inaasahang sila pa rin ang magiging pangunahing armas kontra Ateneo.

Tumikada si Nnoruka ng 16 points, 12 rebounds, dalawang block at isang steal  habang may 16 mar­kers din ang tinipa ni Abadiano.