Bounce-back win ng Lady Altas


MANILA, Philippines —  Nagsabwatan sa opensa sina Camille Bustamante at Shaila Allaine Omipon upang igiya ang University of Perpetual Help System DALTA sa 25-19, 25-17, 17-25, 25-23 panalo kontra sa Emilio Aguinaldo College sa NCAA Season 100 women’s volleyball tournament kahapon sa FilOil Are­na sa San Juan City.

Tumikada si Bustamante ng 16 points mula sa 15 attacks at isang service ace, habang lahat galing ang 16 points din ni Omipon sa kills sapat upang tulungan ang Lady Altas na ilista ang 8-5 karta.

Nasa No. 5 spot ang Perpetual at hindi kalayuan sa hinahabol na Arellano University (9-4) na nasa No. 3 at Mapua University (9-5) na naka-puwesto sa No. 4.

Solo sa tuktok ang Letran na may 11-2 kasunod ang nagdedepensang College of Saint Benilde (10-2).

Napahirapan ang Lady Altas bago nila nakuha ang inaasam na panalo, lalo na sa third set kung saan ay dinomina sila ng Lady Generals.

Mabuti na lamang at tumulong din sa opensa sina Winnie Bedana, Geraldine Rae Palacio, Fianne Iste Ariola at Jemalyn Menor kaya nakuha ang mahirap na panalo sa fourth frame.

Nalasap ng Lady Ge­nerals ang ika-10 kabiguan sa 13 laro.