Sa Game 1 ng PBA finals
MANILA, Philippines — Simula na ng puksaan ng TNT Tropang 5G at San Miguel na kapwa may misyon sa kanilang Season 49 Philippine Cup championship series.
Ang pambihirang Grand Slam ang hangad ng Tropang 5G, habang ang mawakasan ang pagkauhaw sa korona ang pakay ng Beermen.
Maghaharap ang dalawang koponan ngayong alas-7:30 ng gabi sa Game One ng kanilang titular showdown sa Smart Araneta Coliseum.
“The adversity that we went through is really a testament to the fighting spirit of the players. They just refused to give up. Ayaw talaga bumigay,” ani TNT coach Chot Reyes.
Tinalo nila ang San Miguel, 89-84, sa eliminations noong Mayo 4.
Inangkin ng Tropang 5G ang nakaraang PBA Governors’ Cup at Commissioner’s Cup kasama si two-time Best Import Rondae Hollis-Jefferson.
At ang paghahari sa Philippine Cup ang kukumpleto sa triple crown ng PLDT franchise.
“First thing, we’re not up here just to stop their (TNT Grand Slam) quest but we’re here to win another championship,” ani Beermen mentor Leo Austria.
Gutom sa titulo ang SMC franchise na huling nagkampeon noong 2023 Commissioner’s Cup sa likod ni import Bennie Boatwright.
Huling nagduwelo ang Tropang 5G at Beermen sa isang PBA Finals noong 2022 kung saan binigo ng SMB ang TNT sa Philippine Cup title series.
Sumampa ang Beermen sa kanilang pang-46 finals stint at hangad ang ika-30 titulo simula noong 1975.
Nasa kanilang pang-25th finals appearance naman ang Tropang 5G at hangad ang ika-12 titulo tampok ang Grand Slam.
Bukod sa hangarin ng kanilang mga koponan, mag-uunahan din ang 61-anyos na si Reyes at ang 67-anyos na si Austria sa pagkopo sa pang-pitong korona bilang coach.
