Bubot na Bayabas (54) | Pilipino Star Ngayon


Ronnie M. Halos — Pilipino Star Ngayon

September 8, 2025 | 12:00am

MATAPOS makipag-usap ni Apol kay Manang na may-ari ng sari-sari store ay umuwi na siya. Iniisip niya ang sinabi ni Manang na dito raw sa kalye nila nagtungo ang dalagita at ang direksiyon ay sa bahay niya. Hindi kaya pumasok na naman sa kanyang bakuran ang dalagita para kumuha ng bayabas?

Ipinasya ni Apol na ­inspeksyunin ang punong bayabas. Naghanap siya ng palatandaan kung may umakyat sa punong bayabas. Wala naman siyang makita. Walang bakas ng paa sa puno.

May mga nalaglag na bunga ng bayabas pero karaniwan iyon dahil mga hinog na. Napakaraming bunga ng bayabas kaya hindi halata kung may pumitas dito.

Pero palagay ni Apol ay walang umakyat para kumuha ng bunga. Hindi pumasok ang dalagita sa bakuran. Maaring natakot na ang dalagita dahil pinagsabihan niya.

Pero bakit kaya ang direksiyon ng dalagita ayon sa kuwento ng pamangkin ni Manang ay dito sa kanyang bahay.

Aalis na si Apol at papasok na sa bahay nang may mapansin siya sa damuhan.

Nilapitan niya. Nagulat siya sa nakita.

(Itutuloy)