BUBOT na BAYABAS (63) | Pilipino Star Ngayon


Ronnie M. Halos — Pilipino Star Ngayon

September 17, 2025 | 12:00am

“ANONG ibig mong sabihin, Guava?” tanong ni Apol nang sabihin nito na iyon nga ang tsinelas.

“Eto ang hinahanap kong tsinelas, Apol!”

“Ibig mong sabihin sa’yo ang tsinelas na yan?”

“Oo, Apol.”

“Sure ka?”

“Eto talaga?”

“Paano mo natiyak?”

“Basta Apol, ito ang tsinelas ko na matagal nang nawawala.”

Lalong naguluhan si Apol. Kung ang pagsulpot ng dalagita sa kanyang bakuran ay nagdulot sa kanya nang pagkalito at pag-iisip, mas lalong nadagdagan sa sinabi ngayon ni Guava na sa kanya raw ang tsinelas.

Paanong nawala ito sa kanya? Ninakaw sa kanya ng dalagita?

“Naguguluhan ako Guava. Hindi ko malaman kung paanong naging sa’yo ang tsinelas.”

“Hindi mo talaga mauunawaan agad, Apol. Ka­ilangang malaman mo ang totoong buhay ko. Hindi ko alam kung maniniwala ka,’’ sabi ni Guava.

“Kailangang malaman ko ang buhay mo, Guava.”

“Maunawaan mo sana ako.”

“Bakit?”

Napailing-iling si Guava.

At parang maiiyak.

Namasa ang gilid ng mga mata.

Lalo namang nagkaroon ng interes si Apol sa buhay ni Guava.

“Anong nangyari, Guava?”

Hindi sumagot si Guava.

“Baka may maitutulong ako. Naguguluhan din ako mula nang makilala ka at ganundin sa dalagita at lalo pa nang lumutang ang tsinelas. Kaya kung may problema ka, sabihin mo at pagtulungan natin.”

Tuluyang napaiyak si Guava.

Mukhang malalim ang problema o mahiwaga ang buhay ni Guava.

Itutuloy