October 27, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Tumibay ang kapit ng National University sa top spot ng team standings matapos nitong lapain ang inaalat na Ateneo de Manila University, 66-50 sa second round ng UAAP Season 88 men’s basketball tournament na nilaro sa UST Quadricentennial Pavilion, Manila, kahapon.
Pinamunuan ni Jake Figueroa ang opensa para sa Bulldogs sa nirehistrong 17 points, 15 rebounds, limang assists, dalawang steals at isang block upang tulungan ang koponan na ilista ang 7-2 card.
Naghabol ng walong puntos sa third period, sinimulan ni Figueroa ang atake ng NU matapos ilista ang 14-0 blast upang maagaw ang bentahe, 46-40 papasok ng fourth canto.
Nagbalik laro mula sa injury sa balikat, tumikada si Reinhard Jumamoy ng walong puntos at tatlong boards habang walo ang kinana ni Jolo Manansala para sa Bulldogs.
“Nag-respond sila sa nangyari sa amin sa UP,” ani NU head coach Jeff Napa, “Kahit nalamangan kami ay nanatiling naka-pokus ang mga players ko.”
Laglag ang Ateneo, sa pang-anim na puwesto.
Samantala, binalibag ng defending champion University of the Philippines ang Far Eastern University, 89-75 upang upuan ang solo second spot sa unang laro.
Kumana si 6-foot-9 center Francis Nnoruka ng 19 points para tulungan ang Fighting Maroons na sikwatin ang two-game winning streak sa second round at ilista ang 6-3 karta.