Carla, gustong ilihim ang kasal sa doktor sa Dec!


SHOWBIZ GANERN! — Gorgy Rula — Pilipino Star Ngayon

October 10, 2025 | 12:00am

Matagal na naming nabalitaan ang balak daw na pagpapakasal ni Carla Abellana.

Isinulat na lang namin sa blind item tungkol sa Charming Actress, dahil wala naman kaming nababalitaang may boyfriend ang Kapuso actress.

Napapabalita lang noon ang doktor na nanliligaw sa kanya, pero hindi naman isinapubliko ni Carla.

Basta masaya lang daw siya, sabi nito sa mga nakaraan niyang interview.

Hanggang sa may pahaging lang siya sa kanyang Instagram account na paa ng dalawang tao sa ilalim ng mesa.

In-assume ng karamihang ka-lovelife niya ito.

Hanggang marami na ang nagdududang totoo nga ang bali-balitang ikakasal na siya next year.

Hindi pa siya tumatanggap ng trabaho, kaya baka nga meron siyang pinaghahandaan.

Yes magigin misis na siya dahil kumpirmado na ikakasal na siya sa December.

Noong pino-promote niya ang entry nila sa Sinag Maynila na Selda Tres, hindi ito natanong sa kanya.

Tungkol lang kay Tom Rodriguez ang natatanong na maayos naman niyang nasagot.

Bilib nga kami kay Carla, dahil hinarap niya ang mga ganung katanungang hindi naman niya kaila­ngang sagutin.

May kanya-kanya na silang buhay, at meron ng anak si Tom at karelasyon.

Pero sinagot pa rin ni Carla nang maayos at mukhang hindi na naiinis, dahil malamang masaya na siya sa kanyang buhay pag-ibig.

May ilang grupo nga ng katrabaho ni Tom Rodriguez na pinag-uusapan nila ang tungkol sa balak daw nitong pagpapakasal ay hindi nila magawang ibalita o tanungin ang aktor tungkol dito.

Sa tingin nila, hindi pa raw alam ni Tom na ikakasal na pala uli ang dati niyang asawa.

Abangan na lang natin sa November kung isasapubliko ba ito ni Carla, dahil mukhang gusto niyang tahimik na lang at gawing pribado ang bahaging ito ng buhay niya.

Huwag lang sana umeksena ang ama niyang si Rey PJ Abellana na hindi namin alam kung kasali ba siya sa seremonyang ito ng kanyang anak.

AshDres, naka-P25 M sa takilya

Sa loob ng dalawang linggo, ay umabot na pala sa 25M ang kinita ng pelikulang Minamahal: 100 Bulaklak Para kay Luna, ang launching movie ng AshDres loveteam nina Ashtine Olviga at Andres Muhlach.

Akala ng karamihan ay mataas talaga ang boxoffice returns nito, pero hanggang dun lang ang kinita nito.

Pero okay na rin iyun sa isang baguhang loveteam. Hindi na masama!

Dapat pa ring magkaroon ng sequel na kukunan sa Amerika dahil maganda naman ang kuwento at nakakatuwa talaga ang dalawang ito.

Marami pa rin silang fans, at talaga namang nag-effort sila sa mga block screening na ini-sponsor nila.

Pero hanggang dun lang muna ang napatunayan ng AshDres, at mas mataas pa rin pala ang kinita ng 100 Awit Para kay Stella nina Bella Padilla, JC Santos at Kyle Echarri.

Mukhang umepek naman itong pa-100 na title sa mga pelikula ng Viva.

Puwede kaya sa sequel na Minamahal: 100 Bulaklak Para Kay Luna ay magiging 100 Dolyares Para kay Luna na ito?

Sa ending kasi ng kuwento ng pelikula nilang dalawa, pumuntang Amerika si Luna (Ashtine Olviga) para ipagpatuloy ang pag-aaral.

Kaya puwedeng susundan siya roon ni Raffy (Andres Muhlach) para ipagpatuloy ang kanilang love affair.

Basta isa ako sa umaasang magkaka-part two itong pelikula ng AshDres.

Dating hearthrob hiwalay na sa long time partner, nali-link sa lady politician

Nakorner ko sa isang pagtitipon ang kilalang lady politician na na-link kay guwapong veteran actor.

Tinanong ko siya kung aware ba siyang natsitsismis sila nitong guwapong aktor.

Sobrang nagulat si  lady politician. May nabasa raw siyang ganung balita, pero hindi raw niya alam na siya pala ang tinutukoy at itong si veteran actor na kaibigan niya.

Totoong nagkikita raw sila, at nakapunta siya minsan sa taping ni aktor, pero meron lang daw silang pinag-uusapang project para sa kanyang bayan.

Hanggang dun lang daw at huwag daw sanang haluan ng malisya dahil magkaibigan lang daw sila.

Siyempre lagot daw siya sa asawa niyang may katungkulan din.

Pero hindi naman daw siya guilty at natatakot sa tsismis na iyun dahil hindi naman daw totoo.

Natawa pa nga siya, dahil ang guwapo naman ng aktor at fan siya nito noon pa.

Kaya sabi niya sa akin, ‘okay lang i-tsismis nyo, guwapo naman siya!’ natawa niyang sabi sa akin.

Pero sa totoo lang, ang guwapo naman ng mister ni lady politician. Pero natawa lang daw ang pulitikong ito na sa edad niyang ‘yan at na-link pa pala siya sa dating heartthrob.

Ang latest na nabalitaan namin, matagal na raw hiwalay si veteran actor sa kanyang non-showbiz na partner.