August 15, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Mailap pa rin ang gintong medalya para sa Team Philippines sa prestihiyosong 2025 World Games na ginaganap sa Chengdu, China.
Ito ay matapos magkasya sa pilak na medalya si dating World 10-Ball Championship winner Chezka Centeno sa women’s 10-ball event sa Civil Aviation Flight University of China — Tianfu Campus Gymnasium.
Lumasap si Centeno ng 6-7 pagyuko sa kamay ni Yu Han ng host China para tuluyang maglaho ang pag-asa nitong maibigay ang unang ginto ng Pilipinas.
Nakapasok si Centeno sa finals matapos payukuin si Chinese Shasha Lui sa semifinals (7-4).
Subalit hindi ito nasustenihan ni Centeno na makailang ulit nagmintis sa mga krusyal na sandali sa finals laban kay Han.
Nakabaon si Centeno sa 0-3.
Ngunit nakabalik ito sa porma kung saan naagaw nito ang bentahe sa 6-5 bago nakagawa ng scratch na sinamantala ni Han para makuha ang panalo.
“I did not expect that mistake. But I’m still happy. This medal is for our country. I hope I still made you all proud,” ani Centeno.
Sa kabuuan, may dalawang pilak at isang tansong medalya na ang Pilipinas sa World Games.
Galing ang isa pang pilak kay Kaila Napolis sa women’s 52kg ju-jitsu habang naka-tanso naman si Carlos Baylon Jr. sa wushu sanda 56kg class.
