Charlie at Kira evicted sa Bahay ni Kuya; mga bagong housemates ipinakilala!


Muli na namang humarap ang mga housemates sa eviction night kung saan tuluyan nang lumabas ng Bahay ni Kuya sina Charlie Fleming at Kira Balinger.

Kasunod naman nito ang pagpasok ng mga bagong housemates ni kuya na sina Shuvee Etrata, Ang Island Ate ng Cebu, at Xyriel Manabat, Ang Golden Anaktres ng Rizal.

Ano nga kaya ang magiging ambag nila sa loob ng Bahay?

Makasundo nga kaya nila ang mga housemates? ‘Yan at marami pang iba ang kailangang tutukan gabi-gabi sa Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition sa GMA Network.

Sabunutan nina Julia at Jennica, kinaaliwan!

Kinapitan ng viewers ang tahasang linyahan nina Sharon Cuneta at Janice De Belen sa kanilang makapigil-hiningang komprontasyon sa Kapamilya teleseryeng ­Saving Grace: The Untold Story.

Pinuri ng mga manonood ang harap-harapang pagbitiw ng mga masasakit na salita ang dalawang beteranong aktres matapos mag-krus ang kanilang landas sa unang pagkakataon bilang sina Miranda (Sharon) at Helena (Janice) — dalawang palaban na babae na nagmahal ng iisang lalaki.

Sa isang interview, ibinahagi nina Janice at Sharon kung gaano nila na-enjoy ang makatrabaho ang isa’t isa sa isang serye sa unang pagkakataon. “It was fun working with her. Alam ko na maraming tao ang naka-abang na makita kaming magkasama so it was really good working with her,” sabi ni Janice.

“Saludo ako lagi kay Janice. In real life kapag ka-eksena mo siya, ‘yung mata talaga niya nangungusap,” ayon kay Sharon.

Kamakailan ay ipinakita sa serye kung paano inahas ni Helena ang best friend niyang si Antonio mula kay Miranda, ang totoong jowa ni Antonio noon. Hanggang ngayon, ipinapalabas pa rin ni Helena na si Miranda ang naging kabit para pagtakpan ang kanyang kasalanan.

Pero hindi lang sina Sharon at Janice ang nag-bangayan sa serye dahil kinaaliwan din ng viewers ang matinding sagutan nina Julia Montes at Jennica Garcia. Tuluyan na kasing nag-eskandalo si Sarah (Jennica) at sinabunutan pa si Anna (Julia) dala ng kanyang galit dahil kumbinsido siyang si Anna ang kumidnap sa anak niyang si Grace (Zia Grace).

Gabi-gabing ngang inaabangan ng mga manonood ang ilang mga bagong eksena sa Saving Grace: The Untold Story na hindi pa ipinalabas noong una itong umere sa streaming platform na Prime Video.

Gabi-gabi rin itong napapanood, 9:30 PM sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, iWantTFC, at Kapamilya Online Live.