September 20, 2025 | 12:00am
Gusto ulit bumalik sa entablado ni Cherry Pie Picache na isa sa mga bida ng pelikulang The Last BeerGin.
“Ang mina-manifest ko merong isa, pero sa live stage, gumagawa naman ako pero ngayon hindi lang talaga kaya kasi nagtatrabaho din kami nang mabuti at pinaghihirapan din namin talaga ang Batang Quiapo. So hindi ko kayang isabay pero mina-manifest ko na, by next year.
“In terms of pelikula, gusto ko talagang gumawa ng love story, ‘yung mature,” sagot sa amin ni Cherry Pie sa tanong tungkol sa gusto pa niyang gawin bilang isang mahusay na actress.
Sino ang gusto mong partner if ever?
“Hindi ko pa alam. Parang gusto ko lang ‘yung istorya na hindi pambata, ‘yung parang of age. ‘Yung Bridges of Madison County, mga ganon, ‘yung pang-mature na love story, second chances on love.”
Pero hindi pa niya alam kung kelan ‘yun magaganap.
Hanggang naitanong namin kung anong reaction niya sa matagal nang proposal na sana may tax holiday sa movie industry?
“Alam n’yo hindi lang sa tax, eh, ‘di ba ‘yung buong sistema, buong kultura. Noon pa man sinabi ko na ‘yun, ‘yun talaga ‘yung pinakamahirap gamutin, ‘yung kultura, ‘di ba. Sana magising na tayo talaga, mabago ‘yung sistema na ‘wag nang ma-normalize ‘di ba, ‘yung pananaw, ‘yung pag-iisip.
“Tapos sabi ko rin sana magsimula sa atin ‘yung disiplina bilang Pilipino, of course nagdadamdam ka lalo na tayong taga-industriya, isa tayo sa talagang nagbabayad ng tax, VAT, lahat ‘di ba. Pero hindi lang dun, ‘yung mentalidad natin mga Pilipino, tayo rin dapat parang accepted na. Tapos tayo rin sa sarili natin, ‘di ba, ‘yung disiplina nakakalimutan, minsan wala talaga tayong disiplina.
“Tapos talagang ‘yung mga Pinoy, ‘yung one-time big-time. Ang hilig natin sa ganu’ng pag-iisip, kung makakalamang. So sana ‘yun ang mga baguhin natin. Simulan natin sa sarili natin. Maganda ngayon na namumulat na talaga ang kababayan natin or tayo bilang mamamayan. That’s why we’re emotional about it kasi talagang ramdam natin ngayon na mahirap ang buhay, ‘di ba lalo na ‘yung baha, ‘yung ganon. Hindi lang ang baha, lahat. So nararamdaman na talaga natin kaya ngayon siguro talagang emotional tayo so sana magtuluy-tuloy,” pahayag ni Pie.
Ano ‘yung pwede mong i-contribute para magkaroon ng pagbabago ang ating bayan?
“Unang una, ‘yung continuity sana sa governance, honestly ‘di ba wala kang boss sa kulay o ano, ang example ko lang talaga ‘yung sa presidency ni Pres. Noynoy (Aquino), hindi eye candy ‘yung inayos niya, hindi ‘yung maganda sa mata. Ang pilit niyang inayos, ‘yung sistema sa loob kaso hindi mo magagawa ‘yon ng anim na taon lang sa lalim. So parang dapat may continuity of governance, tapos ‘yung accountability, transparency, ‘yung ganon, kailangan ‘yun ‘yung magpatuloy. ‘Yung culture of violence getting one over the other, culture of corruption, sana ‘yun ang mawala sa atin. Gawan ng sistema talaga, lahat tayo susunod. Ang problema kasi, ‘di ba, sa corruption, naging normal, na-accept na natin na it’s a way of life, part of life so syempre sa lahat ‘yon,” pagbibigay niya ng opinyon.
Samantala, medyo gulat ang actress nang tanungin siya kung alam ba niyang nali-link si Edu Manzano kay Joy Ortega.
“I’m just happy to see him. I’m just happy that he’s well. And I’m happy that everything’s fine with him, ‘yung ganun.
“And I think he’s also happy na everything is going out well, going on well sa life ko. We’re happy for each other,” sagot niya.
Samantala, mag-uumpisang mapanood ang The BeerGin sa Oct. 1 sa mga sinehan. At parang ang saya ng pelikulang The Last BeerGin kahit sa trailer pa lang.
Lasingan ito kaya nagkakaroon ng hugot ang mga eksena nila.
Starring JC Santos, Pepe Herrera, Zaijian Jaranilla, Xyriel Manabat and Ms. Cherry Pie.
Written by Mel Mendoza-del Rosario and directed by Nuel Crisostomo Naval, produced by Cineko and Obra Cinema. (SVA)
