MANILA, Philippines — Napansin ng ilang internet users ang pagkakahawig ng walk-in closet sa video post ni dating kongresista ng Sta. Rosa, Laguna na si Dan Fernandez at sa mga selfie ng aktres at content creator na si Ivana Alawi.
Sa video na ipinost ni Fernandez sa social media noong Hulyo 1, makikitang nagbibihis siya sa loob ng isang closet. May pabirong caption pa ito na: “Sending out my resume,” matapos siyang matalo sa pagka-gobernador ng Laguna nitong Mayo.
Ilang netizens sa Reddit ang nakapansin na kahawig ng background ng video ang closet na nasa Instagram posts ni Ivana noong 2023. Pareho raw ang tiles, gold-colored handles, at layout ng espasyo.
Hindi nagtagal, kumalat ang screenshots at naging paksa ng mga komento online. May ilan pang nagbiro na napunta raw sila sa Instagram page ni Ivana matapos makita ang mga comparison posts.
Friends only: Sa mga naunang panayam, itinanggi na nina Ivana Alawi at Dan Fernandez ang anumang romantic involvement sa isa’t isa. Giit nila, magkaibigan lang sila at walang namamagitan sa kanila.
Si Fernandez ay kasal sa dating aktres na si Sheila Ysrael. Wala namang inilalabas na pahayag ang alinman sa panig ukol sa pinakabagong mga obserbasyon ng netizens.
Walang kumpirmasyon kung ang closet sa video ni Fernandez at ang nasa posts ni Ivana ay iisa. Hindi rin tinukoy sa post ni Fernandez kung saan kinunan ang video. — Mula sa ulat ni Kristofer Purnell
