Coco, gustong maging Vic Sotto ang career?!


SHOW-MY — Salve V. Asis — Pilipino Star Ngayon

September 13, 2025 | 12:00am

Ayaw na nga bang mag-renew ng contract ni Coco Martin sa ABS-CBN?

Ito diumano ang totoong rason kaya’t naghiwalay sila ng manager niyang si Biboy Arboleda.

Ang gusto raw kasi ni Coco, parang si Vic Sotto. Ganung career pattern diumano ang gustong direction ni Coco na pwede kahit saang network, nagpo-produce, at may freedom.

Bukod pa sa gusto na raw talagang mag-retire ni Biboy Arboleda as talent manager.

Kaya nga raw aside from Coco, bibitawan na rin nito sina Judy Ann Santos and Jodi Sta. Maria.

Eh ang gusto raw talaga ni Biboy ay mag-renew si Coco dahil nga sa utang na loob sa Kapamilya pero gusto na raw talagang magsarili ng actor.

Wala pa namang official statement si Coco tungkol dito pero baka naman magbago pa ang mga plano niya ayon sa source.

Sa ngayon ay producer na rin ang karelasyon niyang si Julia Montes sa FPJ’s Batang Quiapo.

At sa pagpapatuloy ng kuwento ng Batang Quiapo, nawindang ang mga manonood matapos ang tila dayaan na naganap sa kontrobersyal na eleksyon kung saan tumakbo bilang mayor si Tanggol (Coco Martin).

Mukhang nagkadayaan nga sa eleksyon dahil sina Miguelito (Jake Cuenca) at Roberto (Albert Martinez) ang idineklarang panalo kahit lamang sa kanila ang karibal nilang sina Tanggol at Olivia (Chanda Romero) sa naunang bilangan ng boto.

Dahil takot na mawala ang kanilang kapangyarihan sa pagkatalo, inutusan ni Roberto ang mga tauhan niya na gawin ang lahat para maupo sa pwesto ang pamilya Guerrero kapalit ng malaking halaga ng pera.

Ngayong lumalaki ang alitan sa pagitan ng mga Guerrero at Montenegro, mangyayari na ang pinakamalaking gyera sa pagitan ng dalawang pamilya. Susugurin kasi ng mga Guerrero ang mansyon ng mga Montenegro pero hindi nila alam na nakahanda na ang batalyon na mga tauhan sa pangunguna ni Tanggol.

Samantala, naaliw ang netizens sa eksena nina Cherry Pie Picache at Chanda kung saan nakahanda nang ilitson ni Olivia si Marites (Cherry Pie) nang ipasok ito sa oven. Dinukot kasi ni Olivia si Marites bilang ganti niya sa pagbaril ni Marites sa nanay niya.

Sinu-sino mula sa pamilya Guerrero at Montenegro ang mamamaalam? Ano na ang plano ni Tanggol matapos matalo sa eleksyon?

Sa ngayon ay aabangan ng lahat ang mga susunod na plano ni Coco sa kanyang career.