Coco seryosong buhayin ang pelikulang tagalog, offer na adaptation ng korean movie tinanggihan!


Mas malawak na ang direksyon na tatahakin ni Coco Martin bilang isang producer.

Kahapon ay pormal nang inilunsad ang partnership ng primetime king kina Direk Erik Matti at Dondon Monteverde ng Reality Films.

Kombinasyon ng tatlong M.

Planado na rin ang dalawang malaking pelikula sa 2026 and 2027 na kanilang gagawin.

Ito ay ang On the Job: Maghari at May Pagasa: The Battles of Andres Bonifacio na parehong pinagbibidahan ni Coco.

Ginanap ang major announcement kahapon sa Marco Polo Ortigas, kung saan hindi lamang entertainment media ang present kundi pati na rin ang mga operator ng sinehan upang saksihan ang maaaring maging isang malaking pagbabago para sa local movie industry.

Mauunang gagawin ang On the Job: Maghari na magsisilbing prequel sa award-winning On the Job franchise ni Direk Erik Matti na hinangaan hindi lang sa bansa kundi maging sa abroad.

Susundan ito ng May Pagasa — isang epic movie kung saan ilalahad ang isang kuwento sa buhay ni Andres Bonifacio na hindi pa gaanong pinag-uusapan at natalakay sa mga naunang pelikula sa buhay ng nasabing bayani.

Pursigido si Coco na palakasin ang pelikulang Pilipino at ipakilala ito sa ibang bansa.

“Isa sa pinakamagandang experience na naranasan ko sa buhay ko, talagang naranasan kong magutom. ‘Yung ang tagal mo naghihintay, ‘yung nagsisimula ka as an actor. ‘Yung nasa indie films ako, meron ngayon, anim na buwan, wala. Meron ngayon, isang taon, wala. Kumbaga, sabi ko, ang tagal ko siyang hinintay. Talagang inaral, pinagsumikapan ko, kung nasaan ako ngayon. Kaya, every time na may nakakausap ako na mga new actor hindi ko sila pwedeng sabihan na turuan silang umarte. Pero ‘yung tamang mindset, ‘yung pagpapahalaga sa trabaho, iyon ang pwede kong i-share sa kanila. Na sinasabi ko nga hanggang ngayon na, kaya ‘pag tinitignan ninyo, halos dire-diretso ‘yung trabaho ko,” mahabang sabi ni Coco upang ipaliwanag kung ba’t niya mahal na mahal ang kanyang propesyon.

“From soap opera to movie, ganyan. Kasi sabi ko nga, minsan, sa buhay natin, minsan lang kakatok ang oportunidad. At lahat, sabi ko, kung babalikan ko, kaya kong sabihin, siguro, ako ‘yung pinaka-pangit na pinagsimulan. Kasi nagsimula ako, ang tingin sa akin nung nagsisimula ako, bold actor, ha. Sexy actor. Hindi lang sexy actor na ang katambal ko, babae. Lalaki,” pagbabalik alaala pa ng actor kung bakit ganun na lang siya ka-passionate sa kanyang trabaho sa TV at pelikula.

“Ibig sabihin talaga po, kaya ko po kinukwento, ganun ko talaga s’ya ginapang, pinagsumikapan. Kaya ito nang nararanasan ko na parang ito na ‘yung bunga ng lahat ng paghihirap ko. Ayaw ko s’yang bitawan. Which is, ngayon ang ginagawa ko is sini-share ko siya sa mga co-actor ko, sa mga alam kong may mga taong pinagdaraanan na hindi lahat mabibigyan ng oportunidad o magkakaroon ng trabaho.

“‘Yung mga veteran actor natin na alam ko na ngayon na hindi na nakikita – ‘pag hindi ka na nakikita, hindi ka na mabibigyan ng trabaho, hindi ka na mapapansin. ‘Yung mga bagong artisa na nagsisimula, binibigyan ko ng opportunity, hinihila ko. Baka sakali, sa mga soap opera o sa pelikula ko, mabigyan sila ng oportunidad para magdire-diretso ‘yung trabaho. Which is, sabi ko nga, ang sarap ng pakiramdam ko na nandito po ako ngayon. Kasi, ‘yung mindset naming tatlo ni Sir Dondon at ni direk Erik, ang nasa isip namin, ay buhayin ang pelikulang Pilipino.

“Kaya kung mapapansin ninyo po, very Pinoy na Pinoy ‘yung mga konsepto (ng dalawang pelikulang gagawin namin). Alam ninyo po, meron akong mga project na inu-offer sa akin na, bakit hindi ka mag-remake ng ganitong Korean soap, ganyan. Sabi ko, hindi ko sinasabi na ano… Siguro, hindi lang ako fan ng Korean na mga teleserye o telenovela.

“Kasi sabi ko, nanghihinayang kasi ako sa ta­lento ng Pilipino. Napakarami nating kwento. Napakaganda ng kultura ng Pilipino. Napakarami pa nating pwedeng i-share sa buong mundo. Kaya sabi ko, kung gagawa ako ng proyekto, gusto ko ‘yung gawang atin, ‘yung original. ‘Yung alam natin na maipagmamalaki natin. At kapag o sakaling tangkilikin siya at naging successful ‘yung pelikula o teleserye, alam natin na gawa natin ‘yun,” pagdidiin pa ng karelasyon ni Julia Montes kahapon.

At aniya, ‘yun ang nagpatibay sa kanilang partnership.

“Iyong siguro ‘yung iisang puso namin kung ba’t kami nandito ngayon. Kung gagawa na tayo, siguraduhin natin na hindi lang dito sa bansa natin. Sisiguraduhin natin na maipagmamalaki ito, kahit sa buong mundo, kahit saan pa tayo pumunta.”

Kasabay nito ay inamin ni Coco na matagal na niyang mina-manifest na makatrabaho sina Dondon at Direk Erik.

“Actually, para sa akin, napakahabang kwento nito kasi, nung araw, nung napanood ko ‘yung OTJ, Buy Bust, sabi ko, sino bang lalaki o artista ang hindi papangarapin na makagawa ng ganoong klaseng proyekto at makatrabaho si Direk Erik Matti at si Sir Dondon. Nung ina-analyze ko siyang ganun, honestly, syempre bilang artista, naghihintay ka na sana mapansin ka, mabigyan ka ng pagkakataon, ma-consider ka nila sa isa sa mga project nila,” sabi pa niya.

Matagal ang kanyang hinintay bago naging opisyal ang kanilang partnership. Na-busy siya noon sa Ang Probinsyano at Batang Quiapo at nawala sa isip ang kanyang mga gustong gawin.

“Kaya sabi ko nu’n sa sarili ko na… nag-aabang ako na sana mapansin nila ako, pero hindi nila ako tinatawagan. Hanggang gumawa na sila ng OTJ 2, ganyan, ganyan, ganyan.

“Sabi ko sa sarili ko na, baka hindi pa ko enough. Baka siguro sa mata ko, kaya ko kahit papaano makapag-action, makapag-drama, maka-arte ng konti, pero siguro kanya-kanyang panlasa eh, ‘di ba?”

Pero heto na nga… Nagkapirmahan na ng kontrata.

“Ang tagal kong pinangarap na makatrabaho sila. Sabi ko, ‘alam mo, Sir Don, aaminin ko sa inyo, ang tagal ko nang hinihintay na sana ma-consider ninyo ako sa mga project, sa mga ginagawa ninyo.’ Kasi, syempre, sabi ko nga, hindi lang sa Pilipinas, hanggang sa buong mundo, talagang, alam mo ‘yung naa-appreciate ng mga tao, ‘yung ginagawa nating mga Pilipino.

“Kasi, napakahusay at napaka-talented talaga ng mga Pilipino. At pinagdaanan ko rin ‘yan before, nung nasa indie films pa ako. Tapos ngayon na, ito na, nandito na ako sa mundo ng teleserye, ng action. Syempre, nangangarap ka na makagawa rin ng isang pelikula na alam mong mapagmamalaki mo.”

Hindi basta pelikula ang gagawin nila na nanggaling na rin sa kanya ang idea.

“And then siguro, ‘pag nagkukuwento ‘ko, nakikita sa akin ni Sir Dondon, na pwede siya eh. Pwede siya doon sa concept namin.

“Then after that, kung ano na lang napagkwentuhan namin, sabi ko, alam ninyo po, fan din ako ng Heneral Luna, ng mga ginagawa ninyo. Sabi ko, nakakaproud, kasi kaya na nating gumawa ng mga ganun. ‘Yun pala, may project din sila ng Bonifacio. Pumapasok lahat ng mga napagku-kwentuhan namin. And then after that, dumating si direk Erik napagkwentuhan lahat ng ano. Tapos nag-present sila ng project. Pero, mas umangat ‘yung concept nila ng OTJ tsaka Bonifacio,”  bahagi pa ng mahabang kuwento ni Coco kahapon.