Converge nakalusot sa Terrafirma | Pilipino Star Ngayon


MANILA, Philippines — Bumangon ang Converge mula sa isang 18-point deficit sa fist half para resbakan ang sibak nang Terrafirma, 117-103, sa Season 49 PBA Philippine Cup kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.

Iniskor ni Alec Stockton ang 10 sa kanyang 15 points sa pagbalikwas ng FiberXers sa third quarter patungo sa pagpapaganda ng kanilang baraha sa 6-4 at palakasin ang tsansa sa quarterfinals.

“Ito ang sinabi ko before this game na we are not taking them lightly kasi at any given time they can beat any team,” ani coach Franco Atienza.

Lagapak ang Dyip sa kanilang pang-walong sunod na kamalasan para sa 1-8 marka.

Umiskor si King Caralipio ng 18 points para sa Converge habang may tig-17 at 16 markers sina Justine Baltazar, Justin Arana at Schonny Winston, ayon sa pagkakasunod.

Pinamunuan ni Stanley Pringle ang Terrafirma sa kanyang 23 points, ang 17 dito ay kinamada niya sa first half tampok ang tatlong three-point shots.

Inilista ng Dyip ang 61-43 abante sa 5:06 minuto ng second period bago nakabawi ang FiberXers sa third quarter para makadikit sa 88-92 sa pagtatapos ng nasabing yugto.

Samantala, isang one-on-one trade ang ipinanukala ng TNT Tropang 5G sa Converge sangkot ang kontrobersyal na si Fil-Am guard Mikey Williams.

Sa proposed trade na naghihintay ng approval ng PBA Commissioner’s Office ay ibibigay ng Tropang 5G si Williams sa FiberXers kapalit ni Fil-Aussie shoo­ting guard Jordan Heading.