October 17, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Masaya si team captain Alyssa Valdez na nagbabalik na ang bangis ng Creamline Cool Smashers sa Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference.
Maliban sa solidong kontribusyon ng mga local players, pinuri ni Valdez ang matikas na inilalaro ng kanilang import na si American outside hitter Courtney Schwan.
Beterano na si Schwan na may malalim na karanasan na nadadala nito sa kanilang team.
“Coco, in terms of playing, Coco is a very mature, well-experienced. And it’s just so nice to have a teammate who’s like that, who can carry your whole team and actually bring the best out in all of us,” ani Valdez.
Malaki rin ang naitutulong ni Schwan na nagbibigay ng tips sa mga miyembro ng Cool Smashers upang mas lalo pang maging solido ang galawan ng kanilang team sa loob ng court.
“She actually gives us so much advice that really helps us. Little things. She’s very straightforward, very direct. And that’s why we can really appreciate that,” dagdag pa ni Valdez.
Bukod sa mga skills, nagiging armas din ng Cool Smashers ang magandang samahan nito dahil isa ang kanilang tropa sa may pinaka solidong lineup.
Matagal nang magkakasama ang Cool Smashers kaya’t hindi nagiging problema sa kanila ang komunikasyon sa loob ma o labas ng court.
“We’re all veterans here. That’s why I think open communication really works for us,” sambit pa ni Valdez.
Umaasa si Valdez na magtutuluy-tuloy ang magandang inilalaro ng kanilang tropa upang matagumpay na madepensahan ang kanilang korona sa Reinforced Conference.
Matatandaang nakuha ng Cool Smashers ang Reinforced Conference crown noong nakaraang taon kasama si American outside hitter Erica Staunton.
