Karakter ipinakita ng Creamline sa PVL on Tour


MANILA, Philippines — Ang pagbalikwas mula sa dalawang sunod na ka­malasan ang nagpakita sa tunay na karakter ng Creamline.

Nakaligtas ang Cool Smashers sa pagkakahu­log sa kauna-unahan ni­lang three-game losing slump matapos talunin ang  Chery Tiggo Crossovers, 25-21, 19-25, 25-16, 25-18, sa Pool B ng 2025 Premier Volleyball League On Tour noong Linggo sa City of Passi Arena sa Iloilo City.

Pinaganda ng Creamline, ang 10-time PVL champions, ang kanilang re­cord sa 3-2 para palakasin ang tsansa sa knockout quarterfinals.

Pumalo si Alyssa Valdez ng 19 points pa­ra ban­de­rahan ang Cool Sma­shers’, habang may tig-17 at 13 markers sina Mi­chele Gumabao, Pangs Panaga at Jema Galanza, ayon sa pagkakasunod.

“Honestly, I think one thing na na-realize namin is we just have to play and enjoy the game and res­pect the game,” sabi ng 32-anyos na si Valdez

Nauna nang natalo ang Creamline sa Cignal HD, 22-25, 18-25, 26-28, noong Hulyo 1 at sa ZUS Coffee, 26-24, 20-25, 23-25, 25-22, 11-15, noong Hulyo 19.

“Ang daming mga lap­­ses kaya naman very spe­­cific din ‘yung lapses na­min from our first game so mas madaling naka-ad­­just in Sunday’s game,” dagdag ng three-three time PVL Most Valuable Player awardee.

Bumabandera sa Pool B ang Cignal sa kanilang 4-1 kartada kasunod ang Chery Tiggo (3-1), Creamline (3-2), ZUS Coffee (2-2), Akari (2-3) at ang kulelat na Capital1 Solar Energy (0-5).

Magkasosyo naman sa liderato sa Pool A ang PLDT at Nxled sa pareho nilang 3-0 record sa itaas ng Farm Fresh (2-1), Petro Gazz (1-3), Choco Mucho (1-3) at Galeries Tower (0-3).