Creamline, Akari magpapalakas sa quarterfinals spot


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

November 6, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Sisimulan ng nagdedepensang Creamline at Akari ang kampanya pa­ra sa quarterfinals spot sa paghataw ng second round ng 2025 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference.

Lalabanan ng Cool Smashers ang Nxled Cha­meleons ngayong alas-4 ng hapon, habang hahara­pin ng Chargers ang Cignal Super Spikers sa alas-6:30 ng gabi sa FilOil EcoOil Arena sa San Juan City.

Matapos ang prelimina­ries ay nalagay sa Pool C ang ZUS Coffee (5-0), Creamline (3-2), Akari (3-2), Choco Mucho (2-3), Cignal (2-3) at Nxled (0-5).

Magkakasama sa Pool D ang PLDT (4-1), Farm Fresh (4-1), Capital1 Solar Energy (3-2), Petro Gazz (3-2), Chery Tiggo (1-4) at Galeries Tower (0-5).

Sa tournament format, lalabanan ng top three teams ng Pool A ang bottom three squads ng Pool B sa second round patu­ngo sa knockout quarterfi­nals.

Umiskor ang Cool Sma­shers ng 23-25, 25-23, 25-23, 25-17 panalo sa Crossovers.

“Hopefully magtuluy-tuloy na ito. Binawi talaga namin ‘yung talo namin from the last game,” sabi ni middle blocker Pangs Panaga sa pagbangon ng Creamline mula sa naunang four-set loss sa ZUS Coffee.

Muling makakatuwang ni Panaga sa Cool Sma­shers sina American import Coco Schwan, Alyssa Valdez, Michele Gumabao, Tots Carlos at Kyle Negrito.

Itatapat ng Chamele­ons sina Spanish import Paola Martinez, Chiara Per­mentilla, Lyann de Guzman, Jovelyn Fernandez at Lycha Ebon.

Nagmula ang Nxled sa 22-25, 21-25, 20-25 ka­biguan sa PLDT sa huli nilang laro.

Sa ikalawang laro, mag-uunahang bumangon mula sa kabiguan ang Chargers at Super Spikers sa hanga­ring mapatibay ang tsansa sa quarterfinals.

Yumukod ang Akari sa ZUS Coffee, 25-23, 25-22, 23-25, 12-25, 7-15, at talo ang Cignal sa Capital1, 23-25, 23-25, 21-25.