MANILA, Philippines — Nagpasiklab ang pambato ng San Miguel Beer na si Jericho Cruz subalit yumukod pa rin ang Guam kontra sa bigating Iran, 77-52, sa Group B ng 2025 FIBA Asia Cup kahapon sa King Abdullah Sports City sa Jeddah, Saudi Arabia.
Kumamada ng 11 puntos, 4 rebounds, 2 assists at 1 steal si Cruz sa 32 minutong aksyon para sa pagpapatuloy ng impresibo niyang kampanya mula sa 2025 PBA Philippine Cup, kung saan trinangkuhan niya ang Beermen sa kampeonato.
Si Cruz ang tinanghal na Finals MVP ng naturang torneo sa likod ng rehistrong 13.83 points, 3.5 rebounds at 3.33 assists.
Para sa Guam kung saan siya lumaki bago tumungo sa Pinas, ibinuhos ni Cruz ang 9 sa kanyang total output sa second half para muntikang ihabol ang koponan mula sa 21-puntos na pagkakatambak.
Nakaumang sa hanggang 41-52 ang Guam papasok ng fourth quarter subalit nagpakawala ng 25-11 panapos ang Iran tungo sa 25-puntos na panalo.
Umiskor ng 19, 15, 11 at 10 puntos sina Matin Aghajanpour, Sina Vahedi, Mohammed Amini, at Arsalan Kazemi (10) para sa Iran na sa unang pagkakataon sa 2 dekada ay lumalaban nang wala si Hamed Haddadi matapos ang pagreretiro nito.
Ito ang unang FIBA Asia Cup appearance ni Cruz at ng Guam matapos dominahin ang Asia Cup Qualifiers.
Susubok makaganti ang Guam kontra sa Syria sa Sabado at Japan sa Linggo.
Bago ang torneo ay nakisalo pa si Cruz sa SMB teammates niyang sina June Mar Fajardo at CJ Perez at kay SMC sports director Alfrancis Chua sa Gilas Pilipinas team dinner.
