Curry dumikit sa NBA record


SAN FRANCISCO — Bumira si Stephen Curry ng 24 points, tampok ang limang three-point shots habang nagposte si Jimmy Butler ng triple-double na 15 points, 10 assists at 10 rebounds sa 130-120 panalo ng Golden State Warriors sa Portland Trail Blazers.

Dalawang triples na lamang ang kailangang ipasok ni Curry para maging kauna-unahang player sa NBA history na kumonekta ng 4,000 tres.

Nauna nang hinirang si Curry bilang ika-26 player sa NBA history na umiskor ng 25,000 points sa kanilang panalo sa Detroit Pistons noong Linggo.

Bumira si Gary Payton II ng career-high 26 points para sa pang-limang sunod na ratsada ng Warriors (37-28).

Sa New York, umiskor si Noah Clowney ng 19 points para igiya ang Brooklyn Nets (22-42) sa 111-108 pagtakas sa Los Angeles Lakers (40-23) na naglaro na wala si injured LeBron James.

Sa Boston, kumonekta si Sam Hauser ng season-high na siyam na triples at tumapos na may career-best 33 points sa 114-108 panalo ng nagdedepensang Celtics (47-18) sa Utah Jazz (15-50).

Sa Oklahoma City, nagkadena si Nikola Jokic ng 35 points, 18 rebounds at 8 assists sa 140-127 pagresbak ng Denver Nuggets (42-2) sa Thunder (53-12).

Sa San Antonio, naglista si Spencer Dinwiddie ng 28 points sa 133-129 paggiba ng Dallas Mavericks (33-33) sa Spurs (26-37).