August 23, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Naghahanda na si Pinay netter Alex Eala sa unang pagsalang nito sa prestihiyosong US Open matapos ilabas ng mga organizers ang makakalaban nito sa first round ng torneo.
Base sa draw ng US Open, unang makakalaban ni Eala si Clara Tauson ng Denmark na kasalukuyang nasa No. 15 sa world rankings ng WTA.
Ito ang unang pagkakataon na maghaharap sina Eala at Tauson.
Kaya naman nagsisimula na ang kampo ni Eala na bumalangkas ng mga estratehiya upang makapagbigay ito ng magandang laban.
Kabilang na sa mga ginagawa nito ang panonood sa mga dating laro ni Tauson para makita ang estilo ng paglalaro nito.
Maganda ang rekord ni Tauson sa taong ito.
Umabot si Tauson sa third round ng Australian Open, habang nakapasok naman ito sa fourth round ng Wimbledon Championship.
Mayroon itong tatlong career title sa singles.
Tuluy-tuloy naman ang preparasyon ni Eala kung saan sumasalang ito sa matinding ensayo sa New York kasama ang kaniyang team.
Galing si Eala sa ilang linggong pahinga matapos magtamo ng shoulder injury sa National Bank Open sa Montreal, Canada.
Ngunit nasa magandang kundisyon na ito matapos sumalang sa training camp sa Rafael Nadal Academy sa Mallorca, Spain bago tumulak sa New York.
May post pa si Eala kasama ang mga supporters nito matapos ang kaniyang ensayo sa New York.
Nagpasalamat si Eala sa mga Pilipinong nasa Amerika na patuloy na sumusubaybay sa kaniyang mga laro.
Umaasa ito ng patuloy na pagsuporta sa kaniya sa pagsisimula ng US Open.
Magsisimula ang main draw sa Agosto 24.
