Ahh sumagot ng ‘not guilty’ si Direk Darryl Yap sa mga isinampang kaso sa kanyang cyber libel ni Vic Sotto sa Muntinlupa Prosecutor’s Office.
Kinasuhan siya ng 19 na bilang ng cyber libel ng host / comedian.
Wala si Vic sa arraignment kahapon ng direktor na nanahimik matapos kasuhan dahil sa ginawa niyang pelikulang The Rapists of Pepsi Paloma na wala nang update kung matutuloy ang pagpapalabas sa digital platform.
Itinakda ng korte ang unang petsa ng paglilitis sa Agosto 19.
Ngunit bago raw ang paglilitis sa kaso, sinabi ng mga abogado ni Vic na sasailalim ang dalawang partido sa mandatory mediation conference.
MTRCB, nag-trending sa pananakop sa digital entertainment
Trending kahapon ang MTRCB.
Ito ay dahil may mga nagpoprotesta matapos na aprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na magbibigay-daan sa Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ng power na suriin ang mga nilalaman ng online streaming platforms upang diumano’y mabantayan ang kalaswaan at karahasan sa digital entertainment.
Ipinasa nga ng mga senador noong Lunes ang Senate Bill (SB) 2805 upang palakasin at palawakin ang mandato ng MTRCB sa pamamagitan ng pagsasama ng online streaming platforms sa regulatory powers nito.
Matagal na itong tinutulak na maisabatas dahil nga sa pagdami ng mga kalaswaan sa digital entertainment.
Si former MTRCB chair Rachel Arenas pa lang ang head ng MTRCB that time, inilalaban na niya ito.
Hindi sakop ng dating batas ang mga palabas sa digital platforms kaya’t nilalayon ng SB 2805 na i-update ang charter ng nasabing ahensiya ng pamahalaan na itinatag noong Oktubre 1985.
Pero hindi rito pabor si Sen. Risa Hontiveros. Kasama ang statement niya sa nagti-trending kahapon : “I voted no to the bill expanding the authority of MTRCB since it grants the MTRCB overly broad powers to censor even speech protected by the 1987 Constitution, and even material not meant for theatrical distribution.
“We can be specific about the materials we should protect people from – media that, by their mere showing, constitute violations of law, including:
“RA 7610 or the Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act
“RA 11930 or the Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act, and
“RA 9995 or the “Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009
“Yan ang dapat kalaban ng MTRCB,” bahagi ng paliwanag ng senadora na lately ay laging nagti-trending.
Pero nagpasalamat naman si MTRCB Chair Lala Sotto sa pagkakapasa nito.
Well, abangan natin kung pipirmahan ni Pangulong Bongbong Marcos ito.
Ang digital entertainment ang namamayagpag sa kasalukuyan kaya talagang hirap ang mga pelikulang kumita sa mga sinehan.
Majority sa mga palabas sa sinehan ngayon ay Hollywood films at nakakasingit ang mga Japanese and Korean movies.
Kaya naman may pasabi na ang ilang streaming platform na magtataas na sila ng singil.
Sana nga ay makabangon talaga ang pelikulang Tagalog dahil sa totoo lang, ang daming baguhang producer na sumusugal sa paggawa ng pelikula.
Andami ngayong mga indie movie na pinapalabas sa ilang sinehan na ang iba ay sinusuwerte na maibenta sa streaming platform pero meron din naman na charge to experience dahil nalugi lang at hindi na bumalik ang kanilang puhunan.
