Dating President Digong ipinatawag ang 4 na anak


DURIAN SHAKE — Edith R. Regalado — Pilipino Star Ngayon

August 31, 2025 | 12:00am

KUNG dati ay naghahali-halili ang mga anak ni dating President Rodrigo  Duterte sa pagbisita sa kanyang selda sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands, ngayon ay may tangi siyang hiling sa apat na magkakapatid na sabay silang apat na bumisita sa kanya sa The Hague.

Kaya sa kasalukuyan ay naroon sina Vice President Sara Duterte, Davao City first district Rep. Paolo “Pulong” Duterte, acting Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte  at ang bunsong si Veronica “Kitty” Duterte.

Si dating President Digong ay dinala sa The Hague noong Marso 11, makaraang isilbi sa kanya ang warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC) dahil sa crime against humanity na ipinatupad ng Interpol sa tulong ng Philippine National Police (PNP). Si General Nicolas Torre III ang inatasang magsilbi ng warrant. Nagkaroon muna ng standoff sa NAIA bago naisakay sa eroplano si Duterte pasado alas onse ng gabi. Sa Setyembre 23 isasagawa ang pagdinig sa kaso ng dating Presidente.

Ang tanong ngayon bakit nga ba pinatawag ni Digong ang kanyang apat na anak? Napabalita noon na buto’t balat na lang daw ngayon ang dating Presidente. Hindi natin alam kung ano ang dahilan at nagpasya si Digong na ipatawag ang apat niyang anak at sabay na dadalaw sa kanya.

Hintayin na lang natin ang mga mangyayari sa pagdalaw ng apat na anak ni Digong sa The Hague.