Hindi naging madali para kay David Licauco na gampanan ang karakter ng isang pari sa pelikulang Samahan ng mga Makasalanan. Nang mabalitaan na gagawin ang bagong pelikula ay nakuwestiyon daw ni David ang kanyang sarili. “My initial reaction was, ‘Kaya ko ba ‘yon? Just because I never played a role na priest. I mean it was mostly romantic. It was exciting for me to say the least. Kasi siyempre, again, you’re portraying a different character and like, kailan ka ba magiging pari sa buhay mo?” paliwanag ni David.
Maituturing umano ng Kapuso actor ang kanyang sarili na isang introvert. May mga pagkakataon na talagang lumalabas pa rin daw ito kahit nasa trabaho si David. “I try my best but then, sometimes, pupunta pa rin ako sa sariling sulok ko at mananahimik,” makahulugang pahayag ng binata.
Si Sanya Lopez ang nakatambal ni David sa bagong pelikula. Hinding-hindi raw makalilimutan ng aktor ang isang eksena nilang ginawa kung saan nakasuot lamang ng bikini ang aktres.
Mapapanood na simula April 19 ang Samahan ng mga Makasalanan. “Parang nahiya ako for Sanya na parang naka-bikini ba ‘yon? Parang, ‘Shocks! Nakakahiya, parang ang bigat ng ginagawa niya ngayon ah.’ At saka nagulat ako na, ‘Um! Sexy, ‘di ba?” nakangiting pahayag ng Kapuso actor.
TJ, gumawa na agad ng kanta para sa magiging anak na babae
Mayroon nang naisulat na kanta si TJ Monterde para sa magiging anak nila ni KZ Tandingan. Nagsimula umanong gawin ng singer-songwriter ang kantang Aurora nang magbakasyon ang mag-asawa sa Canada noong isang taon. “Nakita namin ‘yung Aurora Borealis. Parang alam mo ‘yung magic of songwriting. Habang tumatagal, nagpro-progress ‘yung song, na-realize ko, I was talking about the northern lights but eventually ‘yung kanta, ‘yung lyrics, ‘Aurora I will wait for you. I know I will see you soon as you dance to my tune.’ Tapos sabi ko, ‘Aurora, let your colors bloom. I will give you my moon.’ Kasi ‘yung Aurora ‘pag merong moon hindi siya nakikita. Eventually, hindi siya about sa Aurora Borealis,” kwento ni TJ sa YouTube channel ni Bernadette Sembrano.
Hanggang ngayon ay hindi pa naire-record ni TJ ang bagong kanta. Hinihintay pa umano ng mag-asawa na mabiyayaan ng isang babaeng anak. “Sobrang naging personal no’n. Kasi it evolved into a song na prayer of waiting someday magkaroon kami ng baby girl and ‘pag nangyari ‘yon, Aurora ‘yung name. Kaya sobrang personal ng song. Kaya hindi ko pa siya nire-record ‘yung song na ‘yon. Inaabangan muna namin. Parang iniingatan ko muna ‘yung song. But eventually I am going to release it. Gusto ko maging dad’s girl in the future. If ever meron akong baby, gusto ko babae, kaya do’n pumunta ‘yung kanta,” pagbabahagi ng mister ni KZ.
Unang nagpakasal sina TJ at KZ noong 2020. Muling nagpakasal ang mag-asawa noong 2023. Nagpaplano sina KZ at TJ na bumuo ng pamilya sa mga susunod na taon. “Next two years, mutual decision,” pagtatapat ng singer-songwriter.
(Reports from JCC)
