Dennis, nadiin sa nakalkal na earplug ni Marjorie!


Lalong pang dumami ang bashing sa magkapatid na Dennis at Gene Padilla nang mag-post kamakalawa si Gene sa kanyang Instagram account tungkol sa mainit na isyung kinasangkutan ng kanyang kapatid.

Ang dami na kasing nanuya sa kanila nang ibinunyag lahat ni Marjorie Barretto ang nangyari sa wedding nina Claudia at Basti Lorenzo.

Ang sabi na lang ni Gene sa kanyang IG post, “It’s okay if you say hurtful things. You don’t know me, and I don’t know you – but I still choose to send you love, peace, and prayers for healing.”

Nag-comment doon si Dennis ng, “Dear Gene…Wala kang mali…Nagbigay ka lang ng suporta sa akin…Dahil naramdaman mo ako…Salamat (cry at heart emoji)”

Bumaha ang bashing sa kanila dahil nagpapaka-hero na naman daw ang magkapatid at pa-victim pa rin ang drama nila.

Maayos kasi ang pagkasalaysay ni Marjorie at may resibo pa. Mga litrato na nakikita namang maayos ang pakikitungo sa kanila ng lahat, lalo na ang pamilya Barretto.

Lalo na ‘yung litratong tumutulong si Marjorie sa pag-alalay sa kanyang dating mother-in-law.

Totoo namang nagulo ang lahat nang mag-post si Dennis na sinang-ayunan pa ni Gene ng sarili niyang Facebook post.

Mahigpit naman palang ipinakiusap ni Claudia na wala munang posting sa kanilang social media account.

Lalong nadiin si Dennis sa isyung ito dahil sa rebelasyon ni Marjorie kung bakit nasira ang isa niyang eardrum.

Naungkat ang isang video na kuha sa beach na kung saan kaila­ngang maglagay si Marjorie ng earplug sa kaliwa niyang tenga. “You know my ear… I need an earplug. I can’t tell you why, it’s another interview,” natatawa pa niyang pahayag.

Idinikit sa video na ‘yun ang bahagi ng interview ni Ogie Diaz kung bakit nawala raw ang eardrum niya. Kapapanganak lang daw niya nu’n kay Julia Barretto. Naoperahan daw siya noon, dahil sa nawalan nga raw siya ng eardrum. Nilagyan na lang daw siya ng eardrum galing sa maliit na bahagi ng kanyang bungo.

Ngayon ay tinanggal na ang comment section sa kanyang Instagram account.

Vice inaming sa rating pa rin nakabase ang sponsors

Ang ganda ng paliwanag ni Vice Ganda tungkol sa ratings ngayon sa mga programa sa telebisyon nang mag-live ito sa kanyang channel kamakailan lang.

Sinagot niya ang complaints ng ibang netizens tungkol sa ilang segments sa It’s Showtime.

Maayos niyang ipinaliwanag na ang sinusunod pa rin ay ang ratings sa free TV, hindi kung alin ang naghi-hit online o sa social media. “It’s all about ratings. Kasi without ratings, hindi kami makakuha ng sponsors. ‘Yun ang truth dun.

“Sinasabi nila laging ratings, e mahalaga ho talaga ‘yung ratings kasi ‘yung mga advertiser po, mga sponsor sa ratings sila tumitingin.

“‘Pag hindi nag-rate ‘yung program mo, ‘pag hindi nagre-rate ‘yung segment, hindi talaga sila mag-sponsor. Hindi sila maglabas ng pera para mag-place ng kanilang ad dun sa aming programa, o dun sa aming segment.

“Siyempre hindi na lang namin sinasabi, pero ‘yun nga, minsan maraming pagkakataon na hindi n’yo bet, na inaaway n’yo kami bakit ‘yun ‘yung segment, bakit n’yo pinanigan ‘yun, bakit hindi n’yo sinisibak.

“Kasi ‘yun ang nagre-rate na segment. At iba ‘yung… merong mga segment na putok online. ‘Pag binabasa mo ang ganda-ganda ng review sa Twitter o sa X o sa ibang platforms, sorry. ‘Yung maganda ang review sa ibang platform. Pero hindi siya nagta-translate sa ratings sa free TV.

“E ang ratings po hindi nakabase sa taas ng viewership online o mga nanonood digitally. Ang ratings ay hindi binabase sa kung ano ang mararaming o paborito online sa ibang platform. Ang ratings po ay nakabase sa kung ano ‘yung pinapanood sa free TV.

“Kaya minsan nababaliw na din ho kami, kasi eto ‘yung gusto online, pero mababa ‘yung ratings. ‘Yung nasa free TV, hindi ‘yun ang pinapanood.”

Totoo ‘yung mga sinabi ni Vice Ganda, kaya kagaya nitong sa Pinoy Big Brother Celebrity Collab, kapansin-pansin talagang hindi ganun kataas ang rating sa telebisyon.

Noong nakaraang weekend, medyo okay ang ratings noong Sabado na kung saan nagkaroon ng pangalawang eviction. Sa episode na ‘yun lumabas sina Kira Balinger at Charlie Fleming. Naka-6.6 percent ito sa episode na ‘yun.

Noong Linggo naman ay pumasok na sa Bahay Ni Kuya ang huling housemates na sina Xyriel Manabat at Shuvee Etrata na naka-6.1 percent.

Iba talaga ang viewership sa free TV at iba sa online na kung saan mas malakas siya roon.

Ilang araw ding nagreklamo ang netizens bakit walang live streaming na sa tingin ko lang, kaya hindi sila nagla-live streaming minsan para sa telebisyon tumutok ang mga manonood.