Depression ni Arron bumabalik, nagmumura sa nakita sa Cebu


SHOW-MY — Salve Asis — Pilipino Star Ngayon

October 10, 2025 | 12:00am

Mabilis ang pag-amin ni Arron Villaflor na kasalanan ng kanyang social media team kung bakit siya na-bash bash sa isang post na animo’y santo habang nakikisimpatya sa mga sinalanta ng lindol sa Cebu more than a week ago.

Sa grand media conference ng historical film na Quezon, sinabi niya kaagad sa aming interview nan : “Pasensya ‘na, it was a lapse from my social media team.  At hindi natin masisi ‘yung mga tao ngayon dahil galit sila sa gobyerno natin. And then let’s learn from our mistakes. Kasi we have really to be responsible of whatever post that we want to post on social media. And it’s better siguro na mag-ingat, na triple-triple ingat para walang masabi ‘yung  mga tao,” unang pahayag ng actor.

Aminado rin siyang in a way ay nakilala siya dahil sa nasabing bashing. “Yes, I guess, oo. It links somehow to the AI topics kanina, a while ago. We have to be careful on what we post. Just be aware lang and be cautious about everything.”

At in all fairness to him, nakabisita na raw siya sa Cebu pagkatapos ng malakas na lindol na maraming Cebuano ang matinding naapektuhan.

“Kakauwi ko lang po kanina. Sa lahat, ito ang sabihin ko. Sa lahat po ng mga tao na nag-bash, go ahead. Gusto ko lang iparating sa inyo na ang roots po ng Villaflor ay sa Cebu. Taga-Barili po kami. Doon po nanggaling lolo ko, sa Carcar, Barili, Mandaue. So lahat po ng mga ibang relatives po pinuntahan din po namin. Ang gusto ko lang ibahagi sa inyo, ‘yung naging experience roon is very tragic, emotional, parang frustrating.

“Sorry po. P-t-n- i-a lang kasi. Makikita mo ‘yung napakaswerte pa natin. Sobrang swerte natin. May lugar po sa Bogo na hindi napupuntahan pa ng ibang government na wala talagang totally ilaw. So by the help of my relatives, me, and some groups, cousin ko, gumamit kami ng 4×4 para lang mapasok namin ‘yung bundok na tinatawag nilang parang Batanes. So may mga tao po roon na hindi makababa kasi it will take you three hours by car papababa, papunta sa city. What more pa kung maglalakad itong mga taong ito.

“So, malayo talaga. So they decided to stay na lang in their houses, outside their houses. But they can’t stay in their houses kasi maya’t maya ang aftershocks. So nasa labas sila nakatolda ang source of light either magsiga sila ng apoy or maghintay na lang forever na may darating or kung may darating man,” emosyonal na pagbabahagi ni Arron sa ilang kausap na writer.

Aabot pa raw ‘yun sa 25 families na patuloy pa ring humihingi ng tulong.

At ang nire-request daw ng mga ito ay “tolda, bigas, tsaka tubig.”

“So grabe, sabi ko nga, totoo lang ako. Kung ano ‘yung nakikita ko. Then time after time aftershocks, I even visited ‘yung mga families na namatayan because of the landslide. Five families po ‘yun. And then makikita mo dun sa nanay tsaka dun sa tatay na talagang tulala pa sila sa situation. Because ‘yung daughter kasi na nag-save sa kanila and being a parent kasi you’d rather be killed kesa dun sa anak mo. So much stories to share, so much emotions.”

Samantala, bumabalik-balik na naman pala ang depression ng actor. “I had my depressions a long time ago and even now it’s hitting me back. Dumating na ako sa point na kung mamamatay ako, walang problema sa akin. Ito lang ‘yan, maging makatao tayo please. Maging makatao tayo sa mga tao na may karapatan manatili at mamuhay din sa mundong ito. ‘Yun lang naman eh, sa dami-daming sektor sa gobyerno, bakit hindi nila ibigay ‘yung tulong na ‘yun? Samantalang tayo lahat nagbabayad tayo ng buwis. Napakasimple eh.

“‘Di naman humingi ng sobra-sobra ‘yung mga tao. Pero para mailaan mo at mabigay mo ‘yung tamang serbisyo sa mga tao.”

 ‘Yan ba ang dahilan kung bakit sumali ka sa politika?

“Opo  eh, kasi masyado na po tayo nakulong sa lumang politikang sistema. Ang daming nagsasabi gusto nila ng pagbabago, e wala naman gu­magawa. Again, it’s not gonna happen, if it’s only me. We have also to get help from our people, from our other public servants. Tsaka dapat isang layunin lang tayo. Hindi ba sila matutuwa kung nasa isang layunin tayo. Ma-provide nila lahat ng mga sektor sa gobyerno, lahat tayo masaya. Lahat tayo okay dito. ‘Di ba? Iyon lang naman ‘yun.”

Kasalukuyang Board Member ng Tarlac si Arron na sa San Juan pala dapat unang kakandidato.