October 8, 2025 | 12:00am
DESPERADO na ang mga mandarambong. Malapit na silang masukol, kaya ginugulo nila ang ating naratibo at laban sa korapsiyon.
Matapos isiwalat ni Senator Ping Lacson na halos lahat ng senador ay may insertions sa 2025 budget, inatake ang kanyang reputasyon.
Sumunod na binato ng putik si Senator Risa Hontiveros.
Pero hindi dumidikit ang mga paninira. Hindi tulad ng iba na halos walang maipagmamalaking reputasyon, sina Senators Ping at Risa ay may matibay at consistent na track record laban sa katiwalian.
Si Ping ang pangunahing kampeon ng budget transparency, habang si Risa ay bumoto ng NO sa 2025 budget dahil sa kaliwa’t kanang kontrobersiya nito.
Mismong si Senator Jinggoy Estrada na ang patunay. Reklamo niya, kapag siya ang inaakusahan, guilty agad sa mata ng publiko, pero kapag si Sen. Risa, walang naniniwala.
Ganoon talaga. Ang ginto, kahit ilublob sa putik, ginto pa rin. Ang peke at bulok, kahit paulit-ulit balutin, peke at masangsang pa rin.
Kamakailan, nanawagan sina Cardinal Pablo Virgilio David at ang CBCP na isapubliko ang hearings ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), at binalaan ang mga nagtutulak ng “leadership change” sa Senado para pagtakpan ang sumisingaw na korapsyon sa institusyon.
Lumabas ang pahayag ng Simbahan kasabay ng mga bulong ng bagong Senate coup, at ng pagbibitiw ni Ping bilang Chair ng Blue Ribbon Committee.
Ayon kay Ping, tama man o mali ang agam-agam ng ilan sa kanyang imbestigasyon sa flood control anomaly, mas mainam na siya na ang magparaya upang makapili ang Senado ng kapalit.
Ngunit hindi ito pagsuko sa panig ni Ping. Isa itong tactical move. Malaya na si Ping sa mga limitasyon ng pagiging chairman ng komite, kaya asahan nating lalong paiigtingin niya ang laban sa korapsyon, kasama si Risa, sa liderato ni Senate President Tito Sotto.
Siya nga pala, si Senator Alan Cayetano, ambassador ni Jesus Christ, ay nagpapapansin; tila isang kalderong maingay ngunit walang laman. Snap election daw, mag-resign daw lahat.
Sinupalpal agad siya ng kapatid niyang si Lino, “the good Cayetano,” na nagsabing mauna siya’t mas mabuti raw sa Senado at Taguig kung wala nang Cayetano. Saludo kay Lino, ekis kay Alan Peter.