Diretsong 4 sa Ateneo | Pilipino Star Ngayon


Elech Dawa — Pilipino Star Ngayon

October 6, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Wala pa ring bahid du­ngis ang karta ng Ateneo de Manila University matapos nilang liparin ang 81-74 panalo laban sa mahigpit na karibal na De La Salle University sa UAAP Season 88 men’s basketball tournament na nilaro sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City  kahapon.

Nagkapit-bisig sina Fil-Am gunner Jaden Lazo, Shawn Tuano at Domenic Escobar upang ilista ang 4-0 karta at masolo ng Blue Eagles ang tuktok ng team standings.

Natakasan ng Blue Eagles ang naka-ambang panganib ng pagpapanain sila ng Green Archers sa fourth quarter.

Lamang ng 30 points ang Katipunan-based squad sa pagtatapos ng third quarter, 68-38 pero biglang nalusaw ang ma­laking bentahe sa fourth canto.

Pinangunahan nina Mason Amos, Mike Phillips, EJ Gollena at Kean Baclaan ang atake ng Taft-based team  kung saan ay kumana sila ng 19 points para tapyasin sa 11 puntos ang hinahabol, 57-68 may apat na minuto pa sa payoff period.

Nagpatuloy ang pagha­rurot ng Green Archers, rumatrat sina Jacob Cortez, Gollena at Phillips para mas lalong idikit ang iskor, 72-77 may 30 segundo na lang ang nalalabi.

Subalit naging matatag ang Blue Eagles kaya napa­natili nila ang hawak nilang bentahe.

Tumikada sina Ladi, Escobar at Tuano ng tig- 15 markers para sa Ateneo.

Samantala, nalasap ng DLSU ang pangalawang talo sa apat na laro, kasalo nila sa No. 4 spot ang UP.

Sa unang laro, kinalsuhan ng Far Eastern University ang three-game lo­sing streak matapos nilang suwagin ang Adamson University, 64-58.

Napaganda ng Tamaraws ang kanilang karta sa 1-3 at sinaluhan ang biktimang Soaring Falcons sa sixth place.