Dominican Republic makakatapat ng Alas


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

August 12, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Matapos ang parehong bronze-medal finish sa 2025 SEA V.League Legs 1 at 2 ay sasalang naman ang Alas Pilipinas sa trai­ning at tune-up matches kontra sa World No. 10 Dominican Republic.

Nahikayat ni Brazilian coach Jorge Souza de Bri­to ang mga Dominicans na makipag-ensayo sa mga Pinay spikers bilang pre­parasyon nito sa 2025 FIVB Volleyball Women’s World Championship.

Kaibigan ni de Brito sina Dominican Republic head coach Marcos Kwiek at deputy coach Wagner Pacheco.

Si Kwiek ay dating coach ng World No. 2 Brazil mula noong 2003 hanggang 2007 bago hawakan ang mga Dominicans.

Naglalaro ang Dominican Republic sa bigating Volleyball Nations League (VNL).

Pinaghahandaan ng mga Pinay hitters ang 33rd Southeast Asian Games na nakatakda sa Disyembre sa Thailand.

Ang pagsabak sa ka­tatapos lamang na 2025 SEA V.League ay bahagi ng kanilang preparasyon sa biennial event.

Hinirang si Angel Canino bilang Best Outside Spi­ker sa Leg 1, habang ki­­nilala naman si Justine Ja­zareno bilang Best Libe­ro sa Leg 2.