October 6, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Muling umiskor ng mga panalo ang University of Perpetual Help System DALTA sa NCAA Season 101 basketball tournament kahapon sa FilOil Centre sa San Juan City.
Pinatumba ng Altas ang Lyceum of the Philippines University Pirates, 73-61, kung saan tumipa si star guard Mark Gojo Cruz ng 18 points, 4 rebounds, 4 assists at 3 steals sa men’s division.
Sinuwag ng Altas ang 2-0 record sa Group A kasabay ng paghuhulog sa Pirates sa 0-2 marka.
Matapos iposte ng Altas ang 67-49 abante sa 4:36 minuto ng fourth quarter ay isang 12-0 atake ang ginawa ng Pirates sa pagbibida ni Jonathan Daileg para makalapit sa 61-67 sa huling 1:12 minuto.
Ang magkasunod na tirada nina John Abis at Patrick Sleat ang sumelyo sa panalo ng Altas.
“We just have to do a better job of finishing games, hindi puwedeng ganun, naging complacent kami,” sabi ni Altas coach Olsen Racela.
Samantala, tinalo ng nagdedepensang Junior Altas ang Junior Pirates, 70-62, para sa kanilang 2-0 kartada sa Group A sa juniors division.
Humakot si Jim Corpuz ng 14 points, 11 rebounds, 5 assists at 2 steals mula sa bench para sa Junior Altas na nakahugot din kay Arkin Cristobal ng 15 markers, 9 boards at 2 steals.
Pinamunuan ni Steven Creus ang Junior Pirates sa kanyang 18 points at 10 rebounds habang may tig-10 markers sina Khian Panerio at Lamarcus Pelayo.
