Draft Combine pinatindi ng PVL


MANILA, Philippines —  Mas matindi ang pinagdaanan ng mga rookie applicants na sumabak sa taong ito sa 2025 PVL Draft Combine na ginanap sa Paco Arena sa Maynila.

Ito ang inihayag ni PVL commissioner Sherwin Malonzo kung saan dalawang game formats – “Queen of the Court” at “Moneyball” – ang ipinagawa sa mga lulmahok.

Layunin ng liga na pag­laruin ng mas maraming laro ang mga aspirants para mas mabigyan ng pagkakataon ang mga coaches at teams na makapili ng mga players.

“Mas maraming games. Doon mo makikita kung sino ‘yung may composure, sino ‘yung lalaro under pressure,” ani Malonzo.

Inihalintulad ito sa one-day tournament para mabigyan ng pagkakataon ang lahat ng players na makapaglaro at ipamalas ang kanilang husay sa harap ng mga coaches at team owners.

“Para siyang one-day tournament para makita lahat ng laro,” ani Malonzo.

Sinabi pa ni Malonzo na may napipisil na ang ilang team owners matapos ang draft combine.

Paboritong makuha bilang top pick overall si three-time UAAP MVP Bella Belen matapos itong dumalo sa Day 2 ng combine.

Capital1 ang pipili ng top pick sa taong ito.

Mismong si veteran Capital1 coach Roger Gorayeb na ang nagpahayag na malaki ang tansa na si Belen ang kunin nito dahil sa husay at galing ng naturang National University standout.