Hinayang na hinayang ang ka-loveteam ng bagong crush ng bayan na si Rabin Angeles sa Seducing Drake Palma ng Viva One na si Angela Muji dahil hindi pala siya umabot sa cut-off period ng pagsa-submit ng application form para sa audition sa binubuong Bagets Musical ng Viva at Philippine STAR na base sa 1984 blockbuster hit rin ng Viva na nagpasikat kina Aga Muhlach, JC Bonnin, at marami pang iba pa.
“‘Pag meron po ulit audition, magsa-sign up na po ako agad-agad para hindi po ako masaraduhan,” natatawang tsika ni Angela during the Vivarkada Ultimate Fancon and Grand Concert press conference kamakailan.
Unlike Angela, naging maagap naman ang mga member ng tinitiliang boy group na GAT na sina Derick Ong, Charles Law, Ethan David, Hans Paronda at Michael Keith dahil nakapag-audition na pala sila at naghihintay na lang ng resulta.
“Super excited po kami to be given the opportunity even just to audition kasi it’s a different side of entertainment kasi it’s theater,” say ng Ingleserong si Michael Keith. “Sana makuha kaming lima ‘cause for sure it’s going to be a fun project.”
‘Pag nagkataon, sino kaya sa kanila ang magiging teatro version ni Aga at iba pa?
Wala pa kasing nire-release ang Viva sa kung sino ang mga pumasa sa audition.
Exciting kasi buhay na buhay ang theater scene ngayon. Halos lahat nagfu-full house.
Pero bago ang kantahan na ‘yan, mauuna muna ang mga paandar ng GAT sa nalalapit na Vivarkada concert na magsisilbing thanksgiving na rin ng streaming app na Viva One dahil sunud-sunod nilang hit series.
Sa Ang Mutya ng Section E kasali ang GAT pero hoping sila na maka-collab nila sa concert ang ibang taga-Viva One shows gaya ng The Rain In España, Bad Genius at iba pa.
Sa Aug. 15 na ang Vivarkada sa Araneta Coliseum at mukhang doon nila unang kakantahin nang live ang debut single nilang Kakaiba na ini-release na noong Aug. 1.
