Dulce, inaming nagka-cancer at itinakwil ng anak na lalaki!


May mga rebelasyon si Dulce na ibinunyag sa kanyang birthday concert na Dulce Wagi na ginanap sa BGC Arts Center, BGC Taguig noong nakaraang Biyernes.

Meron pang pangalawang gabi ang concert na tiyak na puno rin ang venue.

Sa simula pa lang ng kanyang concert ay naging emotional na siya, dahil halos lahat daw ng mga kanta niya ay kuwento na rin ng kanyang buhay.

Marami siyang pinagdaanan na lahat ay nalagpasan niya dahil sa pananalig niya sa Panginoon.

Dito niya ibinahagi sa audience na noong nakaraang taon ay na-diagnose siya ng sakit na cancer. Pero nalagpasan niya ito at maituturing na ring cancer-free na siya ngayon.

“Three hundred sixty-one days exactly today.

“‘Di ba 365 days, isang taon? So, 361 days ago, I was… nung unang rehearsal, iyak ako nang iyak.

“Kailangan maubos ‘yung luha ko para tumigil ako. Nakakahiya, kaharap n’yo lagi akong umiiyak. Lagi na lang merong hugot na ganun,” pakli niya.

Dagdag niyang pahayag, “Naiyak ako kasi biglang naalala ko I have been diagnosed with an aggressive stage 2 breast cancer last year. And I was due for a procedure… actually, meron nang ginawa. Merong biopsy, pet scan, ano ‘yun etcetera. E that time, nag-loan lang ako ng pera pang-enroll ng daughter ko. Pero nagastos ko doon. So, ubos!

“Kasi ano e, alam n’yo na, naitakas ‘yung mga naipon ko. E sabi ko sa doctor, I know they were concerned, kasi kailangan nang gawin. Kailangan na kasi, aggressive.

“Sabi ko, hindi pupuwede. Sabi niya, ‘your children are still too young to lose a mother.’ Sabi ko, ‘hindi ako mawawala.’

“Hindi ako puwedeng tumigil magtrabaho at wala akong pambayad sa operasyon. Sabi ko, ‘puwede ba hulugan dito?’ E hindi naman nila alam.”

Hindi na niya idinetalye kung paano niya ito nalagpasan. Basta bahala na raw ang Panginoon.

Aniya, “But you know, I just leave everything and surrender them to the Lord. As I have to live for my children.

“Kahit na ‘yung iba kong itinatakwil na ako, pero… okay lang kasi, may mga bagay na kailangan talagang ayusin sa buhay-buhay na mga pamilya. Kaya, wala akong ibang puwedeng kapitan, lapitan kundi ang Panginoong Diyos.

“Kaya itong song na ito actually very well captures what’s inside of me now.”

Dito niya kinanta ang Isa Pang Araw ni Sarah Geronimo.

Hindi man binanggit ni Dulce kung sino sa mga anak niya, pero napag-alaman naming ang anak niyang si David Ezra ang tinutukoy niyang itinakwil siya.

Hindi na niya idinetalye kung ano ang nangyari sa kanilang mag-ina. Pero bago niya kinanta ang awiting Leaves ng Ben & Ben, binanggit niyang nami-miss niya ang kanyang anak.

Sabi pa niya, “Itatwa man o ipahiya man nila tayo, tayo hinding-hindi natin ‘yun magagawa sa kanila ‘di ba?

“Tayo, parents, kahit ano man ‘yan, hindi natin binitawan ang mga anak natin sa ating mga panalangin. Kaya, kahit gaano pa kasakit ang ginagawa nila, inuunawa na lang natin sila. Very much like the message of this song.”

Tungkol sa pagpapatawad ang kantang Leaves na ang nasa lyrics nito, “Leaves will soon grow from the bareness of trees. And all will be alright in time. From waves overgrown come the calmest of seas. And all will be alright in time. Oh you never really love someone until you learn to forgive.”

Congratulations kay Dulce sa napaka-successful niyang birthday concert at pagkatapos nito ay marami pa raw ang kasunod na aabangan natin sa Timeless Diva.

Kathreid series, magso-shoot sa Australia

Isa sa malapit sa pamilya ni Kathryn Bernardo ang nagpaliwanag sa amin tungkol sa pinag-usapang litrato na nakitang kasama nito si Mayor Mark Alcala sa airport.

Ayon sa aming source, hindi raw totoong magkasama silang pumunta ng Australia.

Nung araw na ‘yun ay umalis daw si Kathryn patungong Melbourne at si Mayor Alcala naman ay pa-Sydney, Australia.

Paboritong bakasyunan daw ni Kathryn ang Melbourne dahil nandun daw ang isang bestfriend niya, na sa katunayan ay doon pa nga raw ito nanood ng concert ni Taylor Swift noong nakaraang taon.

Bukod pa riyan ay may iso-shoot na pala roon ang Kapamilya superstar para sa soap na gagawin nila ni James Reid. May mga eksena raw na kukunan sa Melbourne, Australia.

Hindi raw nila alam kung ano naman ang lakad ni Mayor Alcala sa Sydney, pero hindi raw talaga sila magkasama. ‘Yung naglabas daw ng kuhang ‘yun, ay pinagtabi lang sila sa litrato.

Hindi lang matiyak ng aming source kung talagang nanliligaw ba si Mayor Mark Alcala kay Kathryn.

Ang koneksyon lang daw talaga nila – ang isa rin pala sa bestfriend ni Kathryn ay pinsan ni Mayor Mark Alcala.

Malalaman din naman ‘yan kung ano talaga ang namamagitan sa kanila.

Pero ang isa pang sinabi sa amin ay natuwa sila na finally matutuloy na rin ang proyektong pagsasamahan nina Kathryn at James.

Noon pa pala ay meron nang grupo ng fans ang tambalan ng dalawa.

Kinorek nga ako na hindi raw KathJam ang tawag sa kanilang grupo ng fans kundi KathReid

Meron pa raw grupo ng fans nina Kathryn at James na KathWolf mula sa ginagamit ni James na pangalan sa social media na jaye.wolf.

Tuloy na tuloy na raw ang drama series na ito na pagsasamahan ng dalawa.