Dumadaloy ang katiwalian sa flood control project sa La Union


GO NORTH — Artemio Dumlao — Pilipino Star Ngayon

September 7, 2025 | 12:00am

SA Second District ng La Union, ang mga flood control pro­ject ay hindi panangga sa baha kundi daluyan ng katiwalian. Sa 2024 General Appropriations Act (GAA), P1.6 bilyon ang inilaan para sa flood control sa Naguilian at Bauang—mga proyektong hindi man lang lumitaw sa orihinal na National Expenditure Program (NEP). 

Ayon kay Sen. Panfilo Lacson, ito ay “abracadabra bud­geting”—biglang sulpot, walang paliwanag. Sa NEP, P100 milyon lang ang nakalaan sa dalawang proyekto sa Naguilian ngunit pagdating sa GAA, naging P967 milyon para sa 10 bagong proyekto.

Sa Bauang, P623 milyon ang biglang nailaan. Walang sapat na plano, wala ring konsultasyon.

Ang kahina-hinala, lahat nang kontrata ay napunta sa iisang contractor— ang Silverwolves Construction Corp.

Nasaan ang transparency?

Nasaan ang public bidding?

Ang Second District ng La Union ay naging “gatasang-baka” ng mga corrupt.  

Ang biglaang pag-akyat ng pondo sa distrito ni Rep. Dante S. Garcia ay sumisigaw ng iregularidad.

Kapag palpak ang proyekto, baha ang resulta. Kapag sub­standard ang trabaho, buhay ang nakataya. At habang naghi­hirap ang mamamayan, ang contractor at pulitiko ay nagd­i­­riwang.

Habang iniimbestigahan ang mga iregularidad ng Commission on Audit (COA), Bureau of Internal Revenue (BIR), House of Representatives at Senado, huwag kalimutan ang second district ng La Union. Karapatan ng mamamayan ng La Union na malaman kung sino ang responsable.

Dapat manindigan ang taumbayan. Ang mga ilog ay hindi dapat gawing kanal ng maruming pera. Panahon na para singilin ang mga nagpapasasa sa pondo ng bayan.

* * *

Para sa reaksiyon o komento, i-send sa: [email protected]