Eala angat sa 54th sa WTA live rankings


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

October 5, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — May panibagong career-high ranking si Pinay netter Alex Eala sa Women’s Tennis Association (WTA) live rankings.

Inupuan ni Eala ang No. 54 spot — mas maganda kumpara sa kanyang dating career-high na 55th posisyon.

Malaking tulong ang kampanya ni Eala sa mga nakalipas na torneong nilahukan nito para makalikom ng puntos.

Kabilang na rito ang pag-abot nito sa quarterfinals ng katatapos na Suzhou Open sa China.

Nakarating din si Eala sa semifinals ng Jingshan Open na ginanap din sa China.

“Some crazy matches this week. Back to the drawing board with a bit more expereicne and a lot of sweat lost,” ani Eala sa kanyang post sa social media.

Sa pagkakataong ito, muling sasalang si Eala sa Wuhan Open na di hamak na mas malaking torneo kumpara sa kanyang mga nakalipas na nilahukan.

May 1000 level ang Wuhan Open na may nakalaang malaking premyo at malalaking ranking points.

Subalit hindi tulad sa mga naunang torneo na nila­hukan ni Eala, daraan ito sa qualifying round para makapasok sa main draw.

Nakatakdang harapin ni Eala sa first round ng quali­fying si Moyuka Uchijima ng Japan.