PBA Season 50 hahaba dahil sa Gilas


Pilipino Star Ngayon

September 14, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Inaasahan ang maha­bang PBA Season 50 da­hil sa todong suporta sa Gi­las Pilipinas para sa ma­­lalaking laban nitong sa­salangan.

Napagkasunduan ng PBA Board of Governors na i-adjust ang schedule nito kahit pa tatlong confe­rences pa rin ang lalaruin para bigyan ng sapat na trai­ning camp ang Gilas sa paghahanda nito sa 2027 FIBA World Cup Asian Qua­lifiers at 2026 Asian Games.

Lalarga ang FIBA World Cup Asian Qualifiers sa Nobyembre tampok ang Gilas sa Group A kasama ang Australia, New Zealand at Guam, isang buwan pagkatapos umarangkada ang PBA sa Oktubre 5 sa Smart Ara­neta Coliseum.

Nakalinya rin ang Asian Games sa Oktubre 2026, habang tuluy-tuloy ang World Cup Asian Qualifers na magiging tulay ng Gilas sa 2027 FIBA World Cup sa Doha, Qatar.

Mula rito, aasa ang Gilas na maging No. 1 finisher sa World Cup upang makasungkit ng awtomatikong upuan sa 2028 Olympics na gaganapin sa Los Ange­les, USA.

Dahil dito bukod pa ang 33rd Southeast Asian Games sa Disyembre sa Thai­land ay inaasahang ta­tagal ang PBA ng 14 buwan o hanggang Disyembre 2026.

Sa pangunguna nina coach Tim Cone at natura­lized player Justin Brownlee ng Barangay Ginebra, reigning champion ang Gi­las sa parehong Asian Games at Southeast Asian Games.

Ilan pa sa mga PBA pla­yers na kasama sa Gilas ay sina eight-time PBA MVP June Mar Fajardo at CJ Perez ng San Miguel, Scottie Thompson at Japeth Aguilar ng Ginebra, Calvin Oftana ng TNT at Chris New­some ng Meralco.

“We want to qualify to the Olympics,” ani Vargas sa idinaraos na PBA Board Annual Planning sa Las Ve­gas, Nevada.

“Mabigat na tulong ang kailangan, at kasama kami sa magbi­bigay ng tulong,” dagdag naman ni Marcial.

“We’re all-in in our support to our chairman and going with it is our support to Gilas,” dagdag ni PBA vice chairman Alfrancis Chua na siyang team manager din ng Gilas.