MANILA, Philippines — Pagkakataon na ng Akari na makabawi sa nagdedepensang Creamline.
Lalabanan ng Chargers ang Cool Smashers ngayong alas-4 ng hapon kasunod ang upakan ng Petro Gazz Angels at Choco Mucho Flying Titans sa alas-6:30 ng gabi sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference semifinal round sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Pinatumba ng Akari ang Choco Mucho, 20-25, 25-19, 25-23, 22-25, 26-14 habang minalas ang Creamline sa Petro Gazz, 23-25, 22-25, 25-21, 16-25, sa pagbubukas ng single-round robin semis noong Sabado.
Bumomba si opposite hitter Eli Soyud ng game-high 34 points mula sa 27 attacks at pitong blocks sa panalo ng Chargers sa Flying Titans.
“Ito na ‘yung time ko. Nabigyan ako ng playing time. Gusto ko rin na hindi ‘yun masayang,” sabi ng 29-anyos na si Soyud na misyong ibalik ang Akari sa PVL Finals sa ikalawang sunod na pagkakataon matapos matalo sa Creamline sa Reinforced Conference championship series.
Bukod kay Soyud ay aasahan din ng Chargers sina Ced Domingo, Ivy Lacsina, Faith Nisperos, Grethcel Soltones, Mich Cobb at Camille Victoria katapat sina Alyssa Valdez, Tots Carlos, Bernadeth Pons, Jema Galanza, Bea De Leon at Michele Gumabao ng Cool Smashers.
“We put ourselves in this situation, kami ‘yung kailangan na gumawa ng paraan kung gusto talaga namin kahit papaano ma-save ‘yung season na ito,” wika ng 31-anyos na si Valdez sa Creamline na hangad ang ika-11 PVL crown.
Sa ikalawang laro, puntirya ng Gazz Angels ang kanilang ikaanim na finals appearance sa pagharap sa Flying Titans.
Aasahan ng Gazz Angels sina Fil-Am Brooke Van Sickle, Myla Pablo, Jonah Sabete, MJ Phillips, Chie Saet at libero Justine Jazareno laban kina Sisi Rondina, Royse Tubino, Isa Molde, Cherry Nunag at Lorraine Pecana ng Flying Titans.
