Eala babawi sa Guangzhou Open


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

October 17, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Sunud-sunod ang maagang pagkakasibak ni Alex Eala sa mga torneong nilahukan nito.

Kaya naman inaasahang reresbak ang 20-anyos Pinay netter sa pagsabak nito sa Guangzhou Open sa China na gaganapin mula mula Oktubre 20 hanggang 26 sa Nansha International Tennis Center sa Guangzhou.

Diretso agad si Eala sa China matapos ang maasim na kampanya nito sa Japan Women’s Open na ginaganap sa Osaka, Japan.

Sariwa pa ito sa 1-6, 2-6 kabiguan sa first round ng naturang torneo laban sa qualifier na si Tereza Valentova ng Czech Republic.

Ngunit kailangang kalimutan agad ito ni Eala para maisentro ang atensiyon nito sa Guangzhou Open.

Hindi magiging madali ang kampanya ni Eala sa Guangzhou Open dahil ito ay isa ring 250-level WTA tournament na may nakalaang $275,094 kabuuang premyo.

Kasama sa mga kumpirmadong masisilayan sa aksyon sina Jessica Maneiro ng Spain, Lucia Bronzetti ng Italy, Elisabetta Cocciaretto ng Italy, Magdalena Frech ng Poland, Leolia Jeanjean ng France, Francesca Jones ng Great Britain,. Polina Kudermetova ng Russia, Ann Li ng Amerika at Tatjana Maria ng Germany.

Sa ngayon, balik ensayo si Eala upang maplantsa ang mga naging problema nito sa kanyang mga nakalipas na mga torneo.

Matatandaang nasibak din agad si Eala sa first round ng qualifying tournament sa Wuhan Open sa China.

Maliban sa Guangzhou Open, lalahok din si Eala sa Hong Kong Open na gaganapin naman sa Oktubre 27 hanggang Nobyembre 2 sa Victoria Park Tennis Stadium.