3 medals nadagdag sa Team Philippines sa AYG


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

October 30, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Nagdagdag pa si weightlifter Jhodie Peralta ng isang pilak at isang tanso habang nagkasya sa tanso si boxer Leo Mhar Lobrido sa 3rd Asian Youth Games na ginaganap sa Exhibition World Bahrain sa Manama, Bahrain.

Ang 16-anyos na si Peralta ay produkto ng weightlifting training center ni Tokyo Olympics gold medalist Hidilyn Diaz sa Zamboanga City.

Halos naabot pa ni Peralta ang gintong medalya sa girls’ 53-kilogram division.

Nagtala si Peralta ng 87 kilograms sa snatch — kapos lamang ng isang kilo laban kay Pak Hae Yon ng North Korea na may 88 kgs. na siyang kumuha ng ginto.

Nakatanso pa si Peralta sa clean and jerk.

“Sayang, nakuha pa ng North Korean ng one kilo. Pero okay lang, kung ano’ng binigay ng Diyos, tatanggapin ko,” ani Peralta na triple-gold winner sa World Youth Championships na ginanap sa Lima, Peru noong Mayo.

Yumuko naman si Lobrido sa boys’ 46kg class matapos matalo kay Abdugani Yorkinjonov ng Uzbekistan via unanimous decision.

“Tinatamaan ko naman siya, pero iba tingin ng judge. Pero okay lang, hindi pa siguro tamang panahon. Baka sa mga susunod na laro, makaginto na ako,” ani Lobrido.

Umangat sa anim na ginto, pitong pilak at walong tanso ang medalya ng Team Philippines sa torneo.

Posibleng madagdagan pa ito mula sa Pinoy bets sa jiu-jitsu, wrestling, swimming at cycling.

“We’re hoping we can win more gold medals,” ani Philippine chef de mission Ramon “Tats” Suzara.