November 13, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Matapos ang maiksing pahinga, balik-ensayo agad si Alex Eala para paghandaan ang mga susunod na torneong lalahukan nito.
Nasa Mallorca, Spain na ang 20-anyos Pinay netter para muling magsanay sa Rafael Nadal Academy.
Hangad ni Eala na maihanda ang kanyang sarili sa mga malalaking events partikular na ang Australian Open na idaraos sa Melbourne, Australia sa susunod na taon.
Maganda ang pagtatapos ng taon ni Eala dahil nasa No. 50 puwesto ito sa WTA rankings — malayo sa kanyang 147 posisyon nang magsimula ang 2025 season.
“Wow! In the beginning of 2025 I never would’ve thought I’d get year end top 50! So surreal to see it out officially,” ani Eala sa kanyang post sa social media.
Hindi makapaniwala si Eala na maabot nito ang naturang puwesto kaya’t dream come true ito para sa Pinay netter.
“My season comes to an end. I have no words to describe what 2025 has brought me. My dreams have truly come alive,” ani Eala.
Umaasa itong magpapatuloy ang magandang ratsada nito sa susunod na taon.
Bago matapos ang taon, sasabak si Eala sa Macau Masters sa Disyembre 27 at 28 habang inaasahang raratsada rin ito sa Southeast Asian Games sa Bangkok, Thailand sa Disyembre 9 hanggang 20.
