Eala bumawi sa Guangzhou Open doubles


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

October 24, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Matapos ang sunud-sunod na kabiguan sa singles, rumesbak si Alex Eala sa doubles event kung saan pumasok ito sa quarterfinals ng Guangzhou Open na ginaganap sa Nansha International Tennis Center sa Guangzhou, China.

Nakipagsanib-puwersa si Eala kay veteran netter Nadiia Kichenok ng Ukraine upang mabilis na sibakin sina fourth seeds Emily Appleton ng Great Britain at Qianhui Tang ng China sa pamamagitan ng 6-4, 6-2 desisyon.

Nagtala sina Eala at Kichenok ng 79 porsiyento sa first serve kung saan may winning point ito na 64 percent laban sa 65 lamang nina Appleton at Tang. Bukod pa rito ang 64 porsiyento sa second serve wins.

Malaking pasakit para kina Appleton at Tang ang limang double faults na nagawa nito sa buong panahon ng laro.

Natuloy din sa wakas ang laban nina Eala at Kichenok, at Appleton at Tang matapos itong maurong ng tatlong beses dahil sa pagbabago ng schedule sa torneo.

Makakasagupa nina Eala at Kichenok sa quarterfinals sina Russian duo Kamilla Rakhimova at Polina Kudermetova na naitakas ang 2-6, 6-2, 10-3 panalo kina Peangtarn Pilpuech ng Thailand at Zheng Wushuang ng China.

Muling nakabalik sa winning form si Eala matapos ang kaliwa’t kanang kabiguan nito sa singles kabilang na ang 6-2, 4-6, 4-6 pagkatalo kay qualifier Claire Liu ng Amerika sa opening round ng naturang 250-level WTA tournament.